Walang choice ang Department of Interior and Local Government  kundi ang makipagdayalogo sa mga residente sa mga eksklusibong subdibisyon para buksan ang kanilang lugar sa mga motorista tuwing rush hour upang maibsan ang tumitinding problema sa trapiko sa Metro Manila.

ROADS

Ito ang sinabi ngayong Miyerkules ni DILG Secretary Eduardo Año makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kagawaran na igiit ang supervisory powers nito sa mga local government units (LGUs) upang mabawi ng gobyerno ang mga pampublikong kalsada na ginagawang pribado ng iba.

Plano ngayon ni Año na magkaroon ng kasunduan sa mga homeowner associations sa mga gated subdivision upang pahintulutang magamit ang mga kalsada sa mga subdibisyon bilang alternatibong daanan para sa mga motorista tuwing rush hour.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Una nang iginiit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa ilalim ng noon ay chairman at ngayon ay Marikina City Rep. Bayani Fernando, ang nasabing scheme upang mapaluwag ang trapiko sa mga pangunahing kalsada, tulad ng EDSA.

Gayunman, kinontra ito ng mga homeowner groups, partikular na ang mula sa mga eksklusibong subdibisyon, dahil malalagay umano sa alanganin ang kanilang seguridad, bukod pa sa malilikhang ingay at polusyong hatid ng mga magdaraang sasakyan.

Sang-ayon naman si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Robert Bernardo kay Pangulong Duterte na hindi dapat na ginagawang pribado ang mga kalsadang para naman sa talaga sa publiko.

Sinabi naman ni Año na magsasagawa ng “inventory” ang DILG ng lahat ng pampublikong kalsada sa Metro Manila na ginagamit bilang mga pribadong lansangan.

Giit pa ng kalihim, may umiiral na memorandum of agreement ang DILG, MMDA, at mga barangay sa Metro Manila sa clearing ng mga road obstructions, at matibay na basehan ito sa pagbawi sa mga pampublikong lansangan.

Nagtakda ng pulong bukas, Huwebes, ang DILG, kasama si MMDA Chairman Danny Lim at ang mga Metro Manila mayors at city administrators kaugnay ng usapin.

-Chito A. Chavez