“WINO-WORK out na namin ang wedding 2020 or 2021. Pero kasal na kami sa civil,” ito ang kuwento ni JC de Vera sa plano nilang church wedding ng kanyang asawang si Rikkah Cruz.

Rikkah, baby Lana at JC

Tinanong namin kung bakit kailangan pang muling magpakasal gayung kasal na sila sa huwes.

“Oo, strongest na ‘yun, eh, pero promise ko kasi sa wife ko na kailangan nating gawin kung ano ‘yung dapat gawin kasi sa amin nauna ang baby bago ‘yung wedding (civil). Sabi ko hindi natin imi-miss out ‘yung lahat na kailangan nating pagdaanan, let’s be patient pagdadaanan natin ito step by step,” paliwanag ng aktor.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Kaya habang naghahanda sila sa kasal nila ni Rikkah ay, “kabayo muna ako, work-work muna ako, para may enough funds kami alam mo na ‘pag may baby (paghandaan) ang education, siyempre plan ko ring lumipat ng house, bigger place for us. So many dreams and goals for us. Tinanggap ko na ang buhay kong ito para sa mag-ina ko, iyon ang promise ko kay Lord, sabi ko simula nu’ng lumabas si baby, ‘itong life ko, io-offer ko na sa mag-ina ko, hindi na for me’.”

Kaliwa’t kanan ang projects ni JC dahil pinaghahandaan niya ang kinabukasan ng anak nila ni Rikkah.

“God is good, hindi niya ako pinababayaan,” kaswal na sabi ng aktor. At aminadong hindi na siya natutulog, “kasi ‘yung mga free time ko na dapat ituloy ko, in-spend time ko sa mag-ina ko and I think everyone sees that, visible naman sa social media na kasama ko talaga ‘yung baby ko at ‘yung wife ko. Sila ‘yung gem ko, sila ‘yung nagbibigay sa akin ng suwerte,” masayang kuwento ni JC tungkol sa routine niya paggaling sa trabaho.

Binanggit namin na mahirap din ang walang tulog, “mahirap kung sa mahirap pero sabi nga nila ‘di ba, strike when the iron is hot.”

Matatag na ang food business ni JC dahil may branches na ito sa buong Pilipinas.

“It’s a new business and we have branches all over the Philippines, we sell our brand, it’s a steak house restaurant called Rustic Box. Franchisee na lahat kami na lang ‘yung nagdi-distribute ng commodities, hindi na kami ang nagma-manage, nangongolekta na lang kami ng royalty fees. Sabi nga nila dapat pag nag-business ka, kumikita ka kahit tulog ka,” nakangiting sabi ng aktor.

Ang una niyang business na The Burgery Burger house na matatagpuan sa BF Homes, Paranaque City ay malakas pa rin at nag-iisang branch lang.

“Hindi na namin kayang magbukas pa ng ibang branch kasi ‘yung partners ko dito sideline lang namin ito. Kung gusto pa naming mag-add ng isa pang branch hindi na kaya kasi too much na for us.

“Kaya krineyt namin itong Rustic Box with different partners para sa mga katulad naming hindi kayang mag-manage ng full time. So what we do is we just sell,” kuwento ng isa sa lead actor ng The General’s Daughter.

Nagbiro si JC na magpapatayo siya ng building kaya kayod marino siya, baka nga totoo!

“Hindi, wala pa, as of now, investments for our baby lang muna, iyon ‘yung binibilhan namin siya ng insurance, stocks for her, trust fund, may property na na-avail for her, so puwede na ako mamatay, ” tumatawang sabi ng aktor sabay sabing, “ibig ko sabihin na okay na ako na mawala kasi stable na siya at kahit na anong mangyari mayroon na akong mase-save na buhay. Okay na ako.”

Bukod sa The General’s Daughter ay gagawin din ni JC ang pelikulang Love is Love na produced ng RKB Productions at Solar Films naman ang magdi-distribute na planong isali sa 2019 Metro Manila Film Festival.

Makakasama ni JC ang kapwa niya premyadong aktor na sina Jay Manalo at Raymond Bagatsing. Kabilang din sina Rufa Mae Quinto, Marco Alcaraz, Roxanne Barcelo, Keanna Reeves, Neil Coleta at iba pa na ididirek ni GB Sampedro.

Isang entrepreneur ang karakter ni JC na bored sa buhay dahil routine na ang ginagawa niya sa araw-araw na pagpasok sa trabaho.

“Isa pong lonely entrepreneur na naka-auto pilot ang life, ibig sabihin very basic, walang color ang life at nag-e-evolve sa work at everyday naghahanap ng one true love niya. Nasa midlife crisis na habang nagpapaka-busy sa trabaho, naghahanap ng one great love o totoong purpose sa life niya at hindi makahanap.

“Challenging sa akin ang role kasi hindi ko pa nagawa sa movie at ito ‘yung mga points sa buhay kong personal na hindi ko pa na-experience. Never ko ring na-encounter and this is not a gay movie but mayroong mga points dito na mayroon kaming kailangang i-send na message sa mga tao na for me hindi ako familiar sa mundong ginagalawan ng karakter ko at karakter nu’ng bestfriend ko.

“Kailangan kong i-research pa at siguro personalize workshop para maging familiar ako do’n sa karakter nu’ng ka-trabaho ko,” paglalarawan ni JC sa bago niyang pelikula.

-Reggee Bonoan