ISANG trading post facility para sa mga kamatis sa Barangay Tugui Grande, Bani, Pangasinan ang inaasahang mapapakinabangan ng mga magsasaka mula sa unang distrito ng Pangasinan at mga malalapit na bayan sa oras na magsimula ito.

Sa pagbabahagi ni Provincial Engineer Antonieta delos Santos sa isang panayam kamakailan, ang proyekto ay nasa ilalim ng I-Build component ng Philippine Rural Development Project (PRDP).

Ang PRDP ay isang anim na taong inisyatibo ng pamahalaan na may layuning mapataas ang sahod at gawing mas produktibo ang ating mga sakahan at palaisdaan sa mga istratehikong lugar. Sinusulong ng programang ito na mapabuti ang koneksyon ng mga magsasaka at iba pang mga kasama sa industriya sa isang istratehikong ugnayan ng mga imprastraktura, market information at support services.

“The contract cost is more than PHP2.885 million, wherein the PHP2.6 million is from the Department of Agriculture while the PHP289,200 is the counterpart of the provincial government of Pangasinan,” dagdag niya.

Ayon kay Delos Santos, ang pasilidad ay may sukat na 10 metro kuwadrado x 15 metro kuwadrado at nasa 30 porsiyento na ang natatapos.

“It will be used as a stock house for the farmers’ harvested produce and other uses in the future,” aniya.

Samantala, ang 10.63 kilometrong Gonzales-San Juan farm-to-market road sa bayan ng Umingan, na nasa ilalim din ng PRDP, ay 73 porsiyento ng tapos ayon sa datos noong Mayo 31.

Ayon kay Delos Santos, ang buong 10-metrong kalsadang proyekto ay makakabenepisyo ng mahigit sa 13,000 residente mula sa Barangay Gonzales, Prado, Casillan, Luna West, Concepcion at San Juan.

“The road area used to be of gravel but now it is smooth, making travel of residents and transport of their goods easier and more comfortable,” ani Delos Santos.

Inihayag ni Delos Santos na ang World Bank ang nagpopondo ng P90.116 milyon o 80 porsiyento ng kabuuang gastos ng proyekto, samantalang ang probinsiyal na pamahalaan ay may parteng P11.264 milyon at ang Department of Agriculture ay nasa P11.264 milyon.

PNA