KUNG paniniwalaan ang survey ng Social Weather Stations (SWS), lalong bumaba ang pagtitiwala ng mga Pilipino sa China na kinakaibigan ng ating Pangulo—Pres. Rodrigo Roa Duterte. Ginawa ng SWS ang survey nitong Hunyo 22-26, 2019, at lumabas na 51 porsiyento ng mga Pinoy ang MAY maliit na tiwala sa dambuhalang China . May 27% lang ang nagtitiwala sa bansa ni Pres. Xi Jinping. Lumilitaw na ang trust rating ay -24% na itinuturing ng SWS na “poor.”

Bumagsak ng 18 puntos ang pinakahuling net trust rating ng China mula sa neutral na -6% noong Marso 2019, pinakamababa mula noong “bad”--35% noong Hunyo 2018. Samakatwid, ayaw pa rin ng mga Pilipino sa China kahit pinipilit at iginigiit ni PRRD na kaibiganin ito at layuan ang US at European Union (EU).

Samantala, 81% ng mga Pinoy ang may tiwala sa United States at 8% lang ang maliit ang pagtitiwala kay Uncle Sam kung kaya ang net trust rating ay “excellent” na +73%. Tinatanong ako ng kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo kung bakit parang hindi raw natitinag si Mano Digong sa “pagmamahal” nito sa China gayong patuloy ito sa pambu-bully at pag-okupa sa shoals, reefs, reeds ng PH. Binangga, pinalubog pa nito ang fishing boat ng 22 mangingisda sa Recto Bank, at iniwang sisinghap-singhap sa dagat ang pobreng Pinoy na mangingisda hanggang sagipin ng Vietnamese fishermen na may 5 milya ang layo sa lugar.

Tugon ko: “ Mahirap sagutin kaibigan ang katanungan mo. Mahirap basahin ang isip ng ating Pangulo. Marahil ay dahil sa maraming pabor ang ibinibigay ng China sa PH, tulad ng pondo sa ‘Build, Build, Build’ Program at mabait naman si Pres. Xi. Bukod dito, hindi na rin itinataboy ng Chinese Coast guard ang mga mangingisda natin sa Panatag (Scarborough) Shoal.”

Sa SWS survey, tumanggap ang Canada, Australia, Japan, New Zealand at Malaysia ng “good” trust rating. May 1,200 adults ang tinanong ng SWS na ang edad ay 18 anyos pataas. May naghihinalang kaya bagsak ang tiwala ng mga Pinoy sa China ay bunsod ng mga ulat na mahigit sa P700 bilyong halaga ng Philippine patrimony ang nawala sa dambuhala sa kalagitnaan ng administrasyon ni PDu30. Eh, bakit mataas pa rin ang approval at trust rating ng ating Pangulo sa mga Pinoy batay sa Pulse Asia survey? Yan ang mahirap sagutin.

oOo

Habang sinusulat ko ito, nahaharap sa kasong sedition si Vice Pres. Leni Robredo at iba pang miyembro ng oposisyon, kabilang ang ilang obispo at pari ng Simbahang Katoliko. Ang kaso ay tungkol sa produksiyon at pag-iisyu ng video (Ang Totoong Narcolist) ng isang Bikoy bago ang halalan na nagsasangkot sa illegal drugs sa Duterte Family.

Noong una, isinasangkot ni Bikoy ay pamilyang Duterte, pero bigla niyang binago ito at sinabing ang nasa likod ng Ang Tototoong Narcolist ay sina VP Leni, dating Sen. Antonio Trillanes, mga pari at obispo. Mismong sina Senate Pres. Tito Sotto at Sen. Panfilo Lacson ay hindi naniniwala kay Bikoy. E, bakit pinatulan ito ng PNP-CIDG gayong sila rin ay may duda sa kredibilidad ni Bikoy?

Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na walang kinalaman ang Malacañang sa reklamong sedisyon laban kay beautiful Leni, mga senador at iba pa. “Yan ay reklamo lang ni Bikoy. Wala kaming kinalaman dyan,” pahayag ni Spox Panelo. Paano raw itong magiging isang political harassment e, wala naman silang kinalaman. “It’s between them and Bikoy.” Eh bakit nga naniniwala at naghabla ang PNP-CIDG at dinala ito sa Department of Justice?

oOo

Maging si Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin ay sang-ayon sa paninindigan ng Malacañang na hindi dapat makialam ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) na naglalayong repasuhin at imbestigahan ang drug war campaign ng Duterte administration. Ayon kay Bersamin, maliit lang ang lamang o margin ng mga bansang katig sa pagrepaso kaya ito ay isang minority resolution lamang. Ang nasa likod ng UNHRC resolution ay ang Iceland.

Naninindigan ang Pangulo na hindi siya pasasakop sa imbestigasyon ng UNHRC. Siya ay paiimbestiga lang sa isang hukumang Pilipino at handang magpakulong kapag natagpuang may kasalanan, ngunit never sa UNHRC o ibang pa hukumang pandaigdig.

-Bert de Guzman