PH Sports, nagbunyi sa suporta ni Pangulong Duterte

PAHAPYAW man sa pandinig ng iba, tapik sa balikat sa sports development program ng Philippine Sports Commission (PSC) ang suportang ibinigay ng Pangulong Duterte sa pagbuo ng National Academy for Sports.

basketball

Ang naturang Academy ay tututok sa pagsasanay at kalinangan sa sports ng mga high school students.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“I support the measure to create the National Academy for Sports for high school students,” pahayag ni Duterte sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (Sona) nitong Lunes sa Batasang Pambansa.

Iginiit ng Pangulo na mahigit 823 out of school youth ang makikinabang para mabigyan ng non-formal education o alternatibong pag-aaral para sa national sports development.

“Finally, Sports Development was mentioned in the SONA, another FIRST!” pahayag ni Philippine Sports Commissioner at basketball legend Ramon ‘El Presidente’ Ferandez.

Ito ang unang pagkakataon mula sa pamumuno ni dating Pangulo Fidel Ramos at sa kasalukuyang administrasyon na natalakay ang sports sa SONA.

Hindi man nabanggit ang paghahanda sa hosting ng SEA Games, ang pahayag ni Duterte ay isang malaking hamon para sa mga sports officials, ayon kina Commissioner Charles Maxey at Celia Kiram.

“That’s a welcome development. Knowing the president, he gives importance to sports. Back in Davao City as Mayor, he was really after the welfare of the athletes,” sambit ni Maxey.

“Ako’y nagagalak sa message ng Pangulong Duterte sa pag suporta sa sports sa pamammagitan ng National Sports Academy. It’s the first time ever na nabanggit sa SONA ang tungkol sa sports. With this, ang sports ay magpapatunay na kabahagi siya ng economic at social development ng isang bansa,” ayon naman kay Kiram, tanging babae sa five-man PSC Board.

Hindi nakapagbigay ng pahayag si PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez dahil sa magkakasunod na pagpupulong sa SEA Games preparation. Ngunit, nauna nang sinabi ni Ramirez na napapanahon na patibayin ang pundasyon sa grassroots sports.

Nitong Pebrero, nilagdaan ng Pangulong Duterte bilang batas ang pagtatayo ng Philippine Sports Training Center (PSTC) para sa mga miyembro ng National Team na matagal nang nakahimpil sa makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex.

Sinusugan din ni Pacman Partylist Representative at basketball team owner na si Mikee Romero ang mga pahayag ni Duterte.

“We need the national academy to attain our Olympic dreams. We will have a national academy on top and regional units that are geographically close to the people. This national academy can be the prototype for a sports university,” sambit ni Romero.

-Annie Abad