Nanindigan ang isang arsobispo na walang kredibilidad ang testigo na nagdadawit sa iba’t-ibang personalidad at ilang opisyal ng Simbahan sa planong destabilisasyon laban sa pamahalaan.

Ang pahayag ay ginawa ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, chairman ng Episcopal Commission on Mutual Relations ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kaugnay ng pagkakasangkot ng mga lider ng Simbahan sa sedition case na isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), kamakailan.
Binigyang-diin ni Ledesma, maituturing na “fake news” ang mga sinasabi ni Peter Joemel Peter Advincula, alyas ‘Bikoy,’ dahil sa kawalan nito ng integridad bilang testigo ng PNP.
Iginiit niya na dapat sundin ng PNP ang due process sa mga kasinungalingan ni Advincula.
“Well that is definitely parang fake news para sa akin sapagkat ang witness diyan is not credible himself, dapat nga we should really follow the due process na pakinggan din ‘yung other side to it, alam din natin na maraming fabrication na mga charges ngayon among innocent people so dapat we should really follow the due process here at susundin din natin ang batas tungkol dito,” sabi ni Ledesma sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Kabilang sa 35-indibidwal na kinasuhan ng Sedition Case ng PNP-CIDG ay sina Vice President Leni Robredo at ilang mga opisyal ng Simbahan kabilang na sina CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Former CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo.
Matatandaang si Bikoy ang nasa likod ng ‘Ang Totoong Narcolist video serye’ na nagdawit sa pangalan ng pamilya Duterte sa kalakaran ng droga na agad na binawi ang pahayag matapos buhayin ng PNP ang patong-patong nitong kaso.
-Mary Ann Santiago