SIGURADO na ang kalusugan ng bawat Pilipino sa mura at de kalidad na serbisyong pangkalusugan dahil sa pagsasabatas ng Republic Act 11223 o ang Universal Health Care Law.
Nilagdaan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte noong Pebrero 20, sinisiguro ng batas na ito na ang bawat Pilipino, ikaw man ay overseas Filipino worker, ay sakop ng preventive, promotive, curative, rehabilitative, at palliative care sa pagkakaroon ng awtomatikong pagkakasali sa health insurance program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng batas, palalawakin pa ng Philippine Health Insurance Company (PhilHealth) ang serbisyo na sasakop sa libreng konsultasyon, pagpapalaboratoryo at iba pang diagnostic services.
Layunin din nito na mapabuti ang doctor-to-patient ratio, mapadami ang bilang ng mga kama sa ospital at kagamitan at makapaglagay din ng mga ospital sa mga liblib na lugar.
Noong Hulyo 12, natapos na ng Department of Health (DOH) ang ikaapat na konsultasyon sa publiko para sa pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR) ng batas.
Ipinag-utos na sa DOH na gumawa ng IRR ng batas sa loob ng 180 araw matapos itong maisabatas.
Nauna ng sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, na ang ginawang konsultasyon sa publiko para sa pagbuo ng IRR ay napapabilang ang lahat ng sektor at nagbibigay ng boses sa publiko.
Ayon pa kay Duque, “To ensure that 106 million Filipinos benefit from the UHC reform the soonest, we need to make sure that first, Filipinos know what to expect, and second, the implementers (health care providers, managers, and stewards) have a clear idea of how to implement this task.”
Ang buong implementasyon ng batas ay mangangailangan ng P270 bilyon kada taon.
Dagdag pa nito, para mapondohan ang UHC, kukuha ito ng parte mula sa taunang pondo ng DOH, subsidiya ng PhilHealth sa mahihirap na pamilya, alokasyon na mula sa Philippine Gaming and Amusement Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office, kontribusyon mula sa mga miyembro ng PhilHealth, at sin tax na nakukuha mula sa alcohol at tabako.
PNA