Ipinasususpinde ni Manila Mayor Isko Moreno sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng mga pampasaherong jeep na may biyaheng Baclaran-Divisoria.
Ito ay dahil umano sa patuloy na natatanggap na mga reklamo ng Alkalde, hinggil sa pagka-cutting trip ng mga ito, sa kabila nang nauna na niyang pakiusap na itigil ang naturang gawain.
“We will file a suspension of franchise before the LTFRB. I will not be the complainant. It will be the City of Manila, the City government of Manila will file a suspension of the entire Baclaran-Divisoria line,” pahayag ni Moreno.
Sinabi ng alkalde na dati ay ikinakatwiran ng mga tsuper ang baradong mga kalye sa Divisoria, na dahilan nang kanilang pagka-cutting trip.
Gayunman, dismayado ang alkalde dahil kahit, aniya, bukas at maluwag na ngayon ang Juan Luna, Binondo, Soler, at Recto ay tuloy pa rin sila sa kanilang ilegal na gawain.
Binilaan din niya ang iba pang tsuper na may rutang MCU-Blumentritt, Cubao-Divisoria, Maypajo-Juan Luna, Faura-PedroGil, at Paco, na isusunod ang mga ito kung hindi titigil sa pagka-cutting trip.
-Mary Ann Santiago