SA huling survey ng Pulse Asia, nagtamo si Pangulong Duterte ng 85 percent trust ratings. Samantalang, sa huling survey ng Social Weather Stations, 68 percent.
Sa nakaraang halalan, halos lahat ng kanyang mga kaalyado ay nagwagi sa iba’t ibang posisyon. Sa Senado na lamang, nangibabaw ang mga kandidatong kanyang ikinampanya at inendorso. Ang mga kandidato ng oposisyon na tinaguriang “Otso Diretso” ay malayo sa Magic 12 o nagwaging grupo.
Ang malaking problema ay kung napakalaking porsyento ng mamamayan ang nagtitiwala sa Pangulo na siyang isinasaad ng mga survey, at pagkatig nila sa kanya sa mga ikinampanyang kandidato, bakit siya mismo ay walang tiwala sa kanila?
Hindi ba ang tiwala ay pagpapakita ng pagmamahal? Hindi puwedeng magtiwala ka sa isang tao na hindi mo mahal o inaayunan ang kanyang kagustuhan. Pero, sa kaso ng Pangulo, may tiwala sa kanya, pero hindi siya mahal.
Puwedeng inaayunan siya sa kanyang ginagawa, pero may dahilan ang taumbayan para gawin nila ito. Kaya, mismo ang Pangulo ay hindi nagtitiwala sa kanila.
Kasi, ang lider na mahal ng taumbayan at ang puwersa niya ay nagbubuhat mismo sa kanila, wala itong dapat ipangamba at katakutan. Ang taumbayan mismo ang magbibigay ng proteksiyon sa kanya at mangangalaga sa kanyang kaligtasan.
Hindi naman ganito ang nangyayari.
Ang ilagay sa full alert ang puwersa ng pulis at sundalo sa buong kapuluan dahil sa SONA ng Pangulo ay normal lamang. Mayroon ding kasing mga okasyon na ginagawa ito ng ating mga tagapangalaga ng kaayusan at kapayapaan sa buong bansa. Pero, hindi normal ang kanilang ginawa at ginagawa para tanuran ang Pangulo sa kanyang gagawing SONA.
Ang Batasang Pambansa na pagdarausan nito ay mistulang garrison. Ang gusali na ginagamit ng mga kinatawan ng bayan ay binarikadahan ng napakaraming armadong pulis at sundalo at iba’t ibang bagay na matibay na sanggalang sa anumang dadagsang grupo ng mamamayan.
Sa mga gustong iparating sa Pangulo sa pamamagitan ng sama-samang paglabas ng kanilang saloobin ay hindi pahihintulutang makalapit sa Batasan.
Ganito rin ang ginagawa sa Malacañang. Ibinalik iyong dating barikada na giniba ng taumbayan nang patalsikin nila si dating Pangulong Marcos.
Noon lang panahon ng kampanya, may mga lugar, tulad sa Malabon, kung saan nagtalumpati ang Pangulo sa likod ng bullet-proof glass. Itong huli, sukat bang idemanda ang lahat ng mga bumabatikos sa Pangulo.
Ang kahulugan ng mga survey at katibayan na sinasang-ayunan ng taumbayan ang Pangulo ay nagpapakilala na wala sa kanya ang pangunahing problema ng bansa, kahit siya ang gumagawa ng mga ito.
Ang problema ay nasa mamamayan na pinalalampas, o kaya ay kinakatigan ang nakapipinsalang ginagawa niya.
-Ric Valmonte