NASA tamang kumbinasyon ng art at negosyo ang pag-asa ng local entertainment. Hindi uubrang commercial lang, hindi rin papasukin ng maraming manonood kung puro arte lang.
Lalong lalayuan ng lahat kung artsy o mapapansin ng publiko na pretentious ang filmmaker.
Dahil kung pretensiyoso ang direktor, tiyak na lalong walang kuwenta ang pelikula.Nakuha na ng Hollywood ang tamang fusion ng art and commerce. Na-master na rin ito ng Japanese animators.
Nagsipag-aral sa Amerika ang creative people na nasa likod ng Hallyu o Korean Wave, kaya worldwide ang market nila.
Agad ding may realization ang inyong abang lingkod na unti-unti na rin itong natututuhan ng Star Cinema, nang lumabas ang balita kahapon na Rated A sa Cinema Evaluation Board (CEB) ang Hello, Love, Goodbye.Walang duda, potensiyal na panggulpi de gulat sa box-office ang tandem nina Kathryn Bernardo at Alden Richards plus si Cathy Garcia-Molina pa ang direktor.
Almost perfect ang batting average ni Direk Cathy sa takilya. Hinawakan niya ang hottest stars ng ABS-CBN at ng ABS-CBN, puwede nang mediocre movie na lang, siguradong may manonood. Puwede ring romantic comedy na lang uli, na sure nang papatok.
Pero agad nilinaw ni Direk Cathy sa media launch na romance/drama ang Hello, Love, Goodbye. Bukod sa total strangers sa isa’t isa ang characters nina Kathryn at Alden, migrant story ang Hello, Love, Goodbye.
Hinihintay sana namin ang merits na nakita ng CEB sa Hello, Love, Goodbye pero kinailangan na namin itong ipasa dahil naghihintay na ang desk. (Ilalabas na lang namin sa mga susunod na issue.)Pero tiyak na napangatawanan nang maayos ng pelikula ang pagtalakay sa buhay ng maraming Pinoy sa Hong Kong na breadwinner ng kani-kanilang pamilya.
Napakaganda at napapanahong paksa nito, dahil ang Hong Kong para sa nakaririwasa o may disposable income para makapaglibang ay pasyalan ang Hong Kong.
Pero sa ilan nating kababayan, ito ay workplace.‘Tila ganito rin ang pagkakabuo ng Hello, Love, Goodbye -- entertainment na nagsasalaysay ng tunay na kalagayan sa buhay ng mga kababayan natin sa Hong Kong.
Nagawa na ito ng Star Cinema sa kumitang Quezon’s Game, na binigyan din ng A-rating ng CEB.
Kung magpapatuloy ang ganitong trend sa filmmaking, hindi kapani-paniwala ang sinasabi ng doomsayers na dying na raw ang Tagalog movies.
May pag-asa pa, malaki.
-DINDO M. BALARES