Winasak ngayong Martes at hindi na mapigurahan ang kumpiskadong P20-milyon Ferrari sports car, kasama ang ilang gamit sa pamemeke ng sigarilyo at mismong fake na mga yosi, sa utos ng Bureau of Customs.
Sinira ang nakumpiskang segunda-manong Ferrari car mula sa Italy matapos itong maling ideklara bilang spare parts at abandonahin ng importer sa Port of Manila nang dumating doon noong Mayo 2019.
Ayon kay Assistant Commissioner Vincent Maronilla, ang Ferrari ay ipinadala sa bansa ng Camama Auto Hub na kulang-kulang ang parte, sa pagtatangkang mailabas agad sa Bureau of Customs.
Dagdag niya, sinubukan ng importer na dalhin ito sa bansa bilang isang “semi-knockdown” vehicle, ngunit ayon sa batas ng Customs, hindi ito kikilalanin bilang “semi-knockdown” kundi isang bagong buong sasakyan.
“When they declared it as auto parts, they are trying to have to slip it through Customs as semi-knockdown. Ang semi-knockdown kasi may pintura na, walang pinto, walang hood, walang mga upuan pero may gulong na,” pahayag ni Maronilla.
“So they were trying to make it appear that it is semi-knockdown that they can declare it as used auto parts, however, it would not qualify as auto parts.They could have declared it as semi-knockdown,” dagdag niya.
Sinabi ng assistant commissioner na may hinala silang ang mga nawawalang bahagi ng Ferrari ay ibibiyahe ng importer sa hiwalay na kargamento sakaling nagtagumpay ang pagpupuslit sa sasakyan.
Winasak ang Ferrari sports car alinsunod sa umiiral na batas ng bansa laban sa smuggling ng mga luxury cars, na naglalayong pigilin ang pagbawi ng mga smuggler sa kanilang pera sa pamamagitan ng mga public auction.
“There have been criticisms that these luxury vehicles should have been sold so that the government can still earn revenue but under our studies, mas malaki kasi yung revenue impact sa'min if we make an example of luxury car importation,” lahad ni Maronilla.
“We want to send a signal even if you want to bring it in with the usual scheme of getting it back through auction, you can no longer to do that. We want to make it unprofitable as possible for luxury vehicles that is why the President issued that executive order instead of auctioning it off. We are destroying it because we feel that in the long run that would benefit more the Bureau of Customs and the industries that are legitimately engaged in the importation of luxury vehicles,” aniya pa.
Samantala, 12 unit ng makinang panggawa ng sigarilyo at mahigit sa 1,000 master cases ng iba’t ibang tatak ng pekeng mga sigarilyo ang sinira rin.
Nakuha ang mga pekeng sigarilyo at makina sa isang warehouse sa Barangay Bagacay, Tacloban City, Leyte noong Pebrero 2019.
Ayon kay Maronilla, dinala nila ang mga ito sa Maynila para maipakita na ang mga aktibidad tungkol sa pamemeke ng mga sigarilyo, katulad ng pag-aangkat at paggawa ay hindi lamang sa Luzon at National Capital Region nangyayari.
“It's actually very rampant also in the provinces, kasi may market e. They usually make cheaper versions. There’s actually a larger market of these items in the province so we wanted to highlight that even in the province of Tacloban, there are activities of illegal manufacturing of cigarettes,” ayon kay Maronilla.
-Betheena Kae Unite