ANG Rice Tariffication Law o Republic Act 11203, ang epektibong nagpapanatili ng patuloy na pagbaba sa presyo ng bigas para sa mga konsumer sa pamamagitan ng pagsisiguro na sapat ang suplay sa mga pamilihan.
Sa nakalipas na mga taon, ang pamahalaan, sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA), ay naglilimita sa pag-aangkat ng bigas sa pagtatakda sa mga importer na kumuha ng permit to import, upang maprotektahan din ang mga Pilipinong magsasaka mula sa pagkalugi dulot ng murang angkat na bigas. Nang magsimulang tumaas ang presyo ng bigas noong 2018, kinailangang humanap ng paraan ng pamahalaan upang mapigilan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin o inflation, sa anumang paraan. Dahil ang bigas ang pangunahing sumasakop sa gastos sa bilihin ng pamilyang Pilipino, nagdesisyon ang pamahalaan na pababain ang presyo ng bigas at ang lahat ng pangunahing bilihin sa merkado ay susunod.
Sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law, hindi na kinakailangan ng mga umaangkat na kumuha ng permit mula sa NFA. Ngayon, sinuman ay maaari nang umangkat ng bigas hanggat nagbabayad ito ng itinakdang taripa. Dulot nito, dumagsa na sa bansa ang murang bigas mula sa Vietnam at Thailand na ang mga magsasaka ay nagkakapag-ani sa mas murang halaga ng puhunan kumpara sa mga Pilipinong magsasaka.
Tunay namang napababa ng Rice Tariffication Law ang presyo sa merkado ng bigas, ngunit malaki rin ang naidulot nitong pagbaba sa kita ng mga Pilipinong magsasaka. Kung dati ay kumikita sila ng P20 kada kilo ng palay, nitong huling linggo ng Hunyo, P17.85 na lamang ang kanilang kinikita. Gayunman, ayon sa mga magsasaka, sa pamamagitan ng Federation of Free Farmers, nananatili ang presyo sa merkado. Pinaghihinalaan nila ang manipulasyon sa presyo ng mga nagluluwas ng bigas, kasama ng mga importer na pinabababa ang halaga ng kanilang kargamento upang magbayad ng mas mababang buwis.
Nagmungkahi si Secretary of Agriculture Emmanuel Pinol ng solusyon sa sitwasyon sa pamamagitan ng pagbili ng gobyerno sa ani ng mga Pilipinong magsasaka sa sapat na presyo, kahit pa nangangahulugan ito ng pagkalugi sa bahagi ng pamahalaan.
Isa lamang itong pansamantalang solusyon. Isang permanenteng tugon ang dapat na ipatupad ng pamahalaan upang matulungan ang mga Pilipinong magsasaka na mapababa ang kanilang gastos sa produksiyon. Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa pagkuha ng mas magandang uri ng binhi at pagbili ng mga pataba at iba pang kailangan, sa pagpapataas ng mekanisasyon ng agrikultura, mas maraming irigasyon, pagkakaloob ng mga post-harvest facility tulad ng mga bodega at gilingan, at tulong sa pagbebenta ng kanilang ani.
Sa maraming henerasyong nakalipas, maraming Pilipinong magsasaka ang nakadepende sa tulong ng kanilang mga panginoong-maylupa, ngunit nagwakas na ito dulot ng reporma sa lupa. Kailangan nang makialam ng pamahalaan at ipagkaloob ang tulong na nawala, at higit sa lahat, maglunsad ng programa na magmomodernisa ng agrikultura sa Pilipinas sa lahat ng aspeto, sa lahat ng antas nito, at sa lahat ng bahagi nito mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa pagtatanim at pagbebenta.
Ang susi sa lahat ng ito ay ang pagpopondo. Sinabi ni Secretary Piñol na hindi nito nakuha ang sapat na halaga sa nakalipas na tatlong taon, lalo’t ang tuon ng pamahalaan ay nasa pagtatayo ng mga imprastraktura at iba pang kinakailangan. Sa susunod na tatlong taon ng administrasyong Duterte, nawa’y mabigyan ang agrikultura ng Pilipinas ng sapat na atensiyon na tunay na nararapat dito bilang sentro ng pamumuhay at ekonomiya ng Pilipinas