NANANATILI ang tiwala ng sambayanang Pilipino kay Pres. Rodrigo Roa Duterte batay sa survey ng Pulse Asia na ginawa noong Hunyo 24-30, 2019. May 1,200 adults na edad 18 pataas ang tinanong. Kung paniniwalaan ang Pulse Asia, 85 porsiyento ng mga Pilipino ang may tiwala pa sa pamamahala ni PRRD.
Gayunman, bumagsak ng dalawang porsiyento ang approval rating ng Pangulo na naging 85 porsiyento nitong Hunyo 2019 mula sa 87% noong Marso 2019. Ang trust rating niya ay hindi nagbabago sa 85%. Ayon sa Pulse Asia, ang performance at trust ratings ni Mano Digong ay hindi nagbago sa pagitan noong Marso hanggang Hunyo 2019.
Samantala, nagtamo si Vice Pres. Leni Robredo ng approval rating na 55 porsiyento, tumaas ng anim na puntos mula sa 49% nitong Marso. Ang disapproval rating ng biyuda ni ex- DILG Sec. Jesse Robredo ay bumagsak ng 3% mula sa 4%. Ang trust rating ni beautiful Leni ay nag-improve ng 5% para maging 52% mula sa 47% noong Marso.
Marami ang nagtatanong kung dapat bang paniwalaan ang mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) kasunod ng kontrobersiyal na pagbangga ng Chinese vessel sa fishing boat ng 22 mangingisdang Pinoy sa Recto Bank na matapos banggain ay iniwang sisinghap-singhap sa dagat hanggang sagipin ng Vietnamese fishermen. Halos lahat ng Pilipino ay kontra sa ginawa ng Chinese vessel pero hindi man lang daw nagpamalas ng matinding galit ang Pangulo sa pangyayari.
Iginigiit ni PDu30 na atin ang West Philippine Sea at ipaglalaban niya ang soberanya sa mga teritoryo na saklaw nito. Binigyang-diin niya na atin ang WPS at pinapayagan lang niyang makapangisda ang mga Tsino roon upang maiwasan ang ano mang gulo.
Ikinatwiran niyang ang pagpayag na makapangisda ang Chinese fishermen ay hindi nangangahulugan ng pagsuko. Manapa, taktika ito upang payagan ang mga mangingisdang Pinoy na makapangisda sa Panatag Shoal (Scarborough) na bagamat saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa ay okupado ngayon ng bansa ni Pres. Xi Jinping.
Bunsod ng katakut-takot na batikos sa kanya, inimbitahan niya ang mga Amerikano na ipadala sa West Philippine Sea at South China Sea ang kanilang 7th Fleet upang iharap sa puwersa ng China. Isasama niya sa barko ng US sina SC Senior Associate Justice Antonio Carpio at ex-DFA Sec. Albert del Rosario sa karagatan para harapin at itaboy ang China sa lugar.
Ayon sa mga Pilipino, hindi na kailangang gawin ito ng ating Pangulo. Ang dapat lang niyang gawin ay magprotesta sa ginagawa ng China sa ating mga reef, shoal, isle, para malaman ng China na hindi natin gusto ang ginagawa nito at mabatid din ng buong mundo ang mga aktibidad ng dambuhala sa SCS-WPS. Hindi natin kailangang makipaggiyera sa China, at walang Pilipinong may gusto ng digmaan.
-Bert de Guzman