INIHABLA sa Department of Justice ang mga lider ng oposisyon, simbahan, abogado at mga taong bumabatikos sa Pangulo sa salang sedition, cyber libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice. Nababatay ang mga ito sa salaysay ni Peter Joemel Advincula na ibinigay niya pagkatapos na lumabas siya nang hinahanap na siya ng pulis. Iniharap siya ng PNP-CIDG sa mga mamamahayag. Si Advincula ang hooded “Bikoy” na naunang nagsangkot sa pamilya at kaalyado ni Pangulong Duterte sa drug trade sa serye ng mga video na pinamagatang “Ang Tunay na Narcolist” nang magsalita sa mga mamamahayag hinggil dito sa tanggapan ng Intergrated Bar of the Philippines. Bumaligtad siya at sinabing ang mga idenedemanda ngayon ng PNP-CIDG ang nagudyok at tumulong sa kanya na gawin ang video. Ayon sa PNP-CIDG, ang video ay naglalaman ng maling impormasyon upang udyukan ang taumbayan na mag-alsa at ibagsak ang Pangulo at matiyak ang pagpalit sa kanya ni VP Robredo.

“Walang kinalaman ang Pangulo sa mga kaso. Sinabi ko ito sa kanya at siya ay namangha. Sabi niya, sino? Sino ang naghabla? Sabi ko si Bikoy at nasabi niya Oh. Pero, sinabi na rin niya na oras na para malaman ang totoo hinggil sa video sa pamamagitan ng judicial process, kaya, hayaan na lang ito,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Isa sa mga idenemanda ng PNP-CIDG ay si dating Sen. Antonio Trillanes. Bilang reaksyon, ito ang kanyang sinabi: “Nakahanda akong harapin ang mga reklamo. Gagamitin ko ang opurtunidad para ilantad ang koneksiyon ni Duterte sa illegal drugs…” Kung ang Pangulo ay nagnanais na gamitin ang prosesong legal upang mabatid ang katotohanan sa likod ng video, ang dating Senador naman ay sasamantalahin ang pagkakataon para ipakita ang kaugnayan ng Pangulo sa droga. Kung ang gagawin ng mga idenemanda, bukod sa sagutin ang bintang sa kanila, ay tularan si Trillanes kung mayroon man silang nalalaman, makabubuti ito sa mamamayan.

Parehong napapanahon ang gustong mangyari nina Pangulo Duterte at dating Senador Trillanes. Hindi lang ang katotohanan kung sino ang nag-udyok o tumulong kay Advincula upang mabuo ang video at ipalabas sa taumbayan. Higit na mahalaga ay ang katotohanan ng nilalaman ng video. Higit na mahalaga ay kung sinu-sino ang nagpapasok ng droga sa bansa at bakit nakakapasok ang mga ito? Napakarami na ang mga napatay at wala pang tigil ang pagpatay. Pinakaisyu rito ay katarungan. Katarungan hindi lamang para sa mga napatay at kanilang mga naulila kundi katarungan para sa lahat at sa lipunan. Napakahirap mabuhay nang hindi masigla ang demokratikong lipunan sa ilalim ng puwersa ng lakas, tapang at pananakot na yumuyurak sa kanyang dangal. Ang dapat lang bantayan ng taumbayan ay kung ang paghahabla sa mga kilalang kritiko ng Pangulo ay paunang hakbang para sila arestuhin. Pwede niyang gawin ito, may warrant of arrest o wala, kung ito ay bahagi ng mas malaking plano gaya ng pagbabago sa Saligang Batas. Iyong ipinasok na mga tone-toneladang at bilyung-bilyong pisong halaga ng cocaine, shabu at iba pang uri ng droga bago maghalalan na kinokolekta ngayon ng PNP-CIDG sa kanilang pagsalakay sa mga drug den, buy-bust operation at pagdakip sa mga sangkot sa droga at ang paglala ng krimen ay maaaring gamiting dahilan para ideklara ang martial law sa buong bansa.

-Ric Valmonte