HINDI pa man ganap na natatapos ang torneo, kinoronahan na ang Mighty Sports-Go For Gold Philippines sa 2019 William Jones Cup basketball tournament matapos pataubin ang host Chinese-Taipei Blue, 97-74, nitong Sabado sa Xinzhuang Gymnasium sa New Taipei City.
Ang panalo ang ika-15 sunod ng Mighty Sports sa torneo na nagbigay naman sa Pilipinas ng ikalima nitong William Jones Cup trophy at ikalawa para sa koponan.
Pinangunahan ni Renaldo Balkman ang panalo sa ipinoste nitong 21 puntos kasunod si Eugene Phelps at Roosevelt Adams na tumapos na may 17 at 13 puntos ayon sa pagkakasunod.
Umabot pa hanggang 26 puntos ang kalamangan ng Mighty Sports sa laro, 83-57, matapos ang isang windmill dunk ni Phelps.
Namuno naman para sa Chinese-Taipei Blue na bumaba sa ikatlong puwesto kasunod ng South Korea patungo sa huling araw ng kompetisyon si Chen Ying-Chun na may 19 puntos, 6 rebounds, at 6 ding assists.
Habang isinasara ang pahinang ito kahapon, tatangkain ng Mighty Sports na tapusin ang torneo sa pamamagitan ng sweep sa pagsagupa nila sa koponan ng Chinese-Taipei White.
-Marivic Awitan