Tututok ngayong araw ang bansa upang mapakinggan ang sasabihin ni Pangulong Duterte sa kanyang taunang State of the Nation Address (SONA). Isa itong opisyal na pahayag sa dalawang kapulungan ng Kongreso— ang Senado at Kamara de Representantes—na uupo sa isang sesyon para sa pagsisimula ng bagong 18th Congress. Ngunit sa katunayan, ang bansa ang makakausap ng Pangulo sa panahong ito ng modernong komunikasyon.
Iuulat ng Pangulo ang mga napagtagumpayan ng pamahalaan sa nakalipas na isang taon, ang estado ng bansa sa kasalukuyan makalipas ang tatlong taon ng kanyang administrasyon, at kung ano pa ang kanyang mga plano hindi lamang sa susunod na taon ngunit sa buong ikalawang bahagi ng kanyang anim na taong administrasyon. May ilang naniniwala na dapat tingnan ng pangulo nang mas malayo ang hinaharap at ihayag kung ano sa paniniwala niya ang kaya at dapat gawin ng bansa sa susunod na dekada—isang sampung-taong programa—kasama ng mga ideya na maaaring isakatuparan ng susunod na administrasyon.
Kayang gawin ng Pangulo ang lahat ng ito—tiyak na may ideya siya para sa kinabukasan ng bansa na tinalakay niya kasama ng kanyang mga gabinete at iba pang opisyal ng kanyang administrasyon. Marami na siyang napagtagumpayan sa loob ng unang tatlong taon ng kanyang administrasyon, partikular sa pagpapaunlad ng ekonomiya, sa imprastraktura, at transportasyon. Dahilan upang kilalanin niya ang mga gabinete ng mga sektor na ito bilang ‘top achievers’ ng kanyang administrasyon.
Ngunit ang SONA ay dapat na higit pa sa isang pag-uulat ng mga napagtagumpayan, sa estado ng bansa bilang kabuuan. Dapat itong umuugnay sa mga mamamayan na pinagsisilbihan ng Pangulo. Dapat itong tumutugon sa kanilang mga pananaw kung ano ang mga kailangan pang gawin at sa apela ng mga ito ng tulong at aksiyon sa mga problemang nakaaapekto sa kanilang pamumuhay.
Sa isang survey na isinagawa nitong nakaraang linggo ng Pulse Asia Research ibinigay ng mga tao ang kanilang tatlong pangunahing hinaing—ang suweldo ng mga manggagawa, presyo ng mga pangunahing bilihin, at oportunidad ng trabaho. Lahat ng ito ay suliraning ekonomikal, na lahat ay kakabit sa buhay ng maraming tao ng bansa.
Maaaring hindi ito kasing laki kung ikukumpara sa sigalot natin sa ibang bansa hinggil sa South China Sea, o nang katatapos lamang na halalan, o ang hindi inasahang matinding war on drugs, o ang nagpapatuloy na laban sa kurapsyon sa maraming sangay ng pamahalaan. At hindi rin ito minamadali tulad ng kakulangan sa tubig, banta ng bagyo, at mga pinsala mula sa mga pagbaha at lindol. Ngunit ang mga ito ay nasa sentro ng pang-araw-araw na pamumuhay ng karamihan ng mga Pilipino.
Sinabi ng mga tumugon sa survey na nais nilang talakayin ng Pangulo ang tatlong bagay na ito—suweldo, presyo at trabaho. Kasunod nito ang mga isyu tulad ng ating ugnayan sa China, ilegal na droga, ang pangangailangan na mapaunlad ang agrikultura ng bansa, kahirapan, kurapsyon, pagpapaunlad ng imprastraktura at karapatang pantao.
Maraming maipagmamalaki ang Pangulo at handa naman ang bansa na bumati sa kanya at sa maraming opisyal at mga empleyado ng kanyang administrasyon na nagluklok sa Pilipinas bilang isa mga bansang pinakamabilis na umuunlad sa mundo sa kasalukuyan. May malaking pag-asa rin ng kapayapaan ang nakikita sa Mindanao sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region. Dapat din niyang banggitin ang mga tagumpay na ito upang magbigay ng inspirasyon sa ating lahat.
Ngunit matapos ang lahat ng mga tagumpay, nais ng mga Pilipino na marinig mula sa Pangulo ang kanilang mumunting mga suliranin—ang suweldo, presyo ng mga bilihin, at oportunidad ng trabaho para sa marami sa kanilang komunidad. Higit sa anumang isyu, umaasa ang mga tao na tatalakayin ng Pangulo ang kanyang palagay at kanyang mga plano para sa mga mamamayan sa kanyang pagharap sa Kongreso sa pagpapahayag niya ng kanyang State of the Nation Address.