May bagong welterweight title ang 40-anyos nating Pambansang Kamao!
Dinungisan ni Manny “Pacman” Pacquiao ang malinis na record ni Keith Thurman at napatunayang may ibubuga pa rin, matapos niyang magwagi, via split decision (114-113, 115-112, 115-112) sa kanilang WBA welterweight bout nitong Linggo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Sa unang round pa lang ay napabagsak na kaagad ni Pacman si Thurman matapos mabigyan ng 40-anyos na Pinoy boxing icon ng right hook ang Amerikano, diretso sa baba nito.
Sakto namang nakababa ang depensa ng 30-anyos na boksingero, may 20 segundo na lang ang natitira sa nasabing round.
Sakto ang pagtunog ng bell na nagsalba kay Thurman.
Hindi rin naman nagpadaig ang mahusay na depensa ni Thurman sa buong 12-rounds ng kanyang laban sa isa sa pinakamahuhusay na boksingero sa kasaysayan.
Nag-iisang nakakopo ng kampeonato sa walong division sa world boxing history, ang titulong nasungkit niya mula kay Thurman ay nagbunsod upang makuha niya ang buong WBA 147-pound title sa unang pagkakataon, ayon sa cbssports.com.
Nakihati na rin sa selebrasyon ang dalawa pang Pilipino na nagwagi rin sa side event sa laban nina Pacquiao at Thurman.
Kapwa pinabagsak nina John Leo “The Lion” Dato na at Genesis “Cobra” Libranza ang kani-kanilang kalaban.
Maagang pinatulog ni Dato ang katunggali nang mapabagsak niya sa 5th round ang Mexican na si Antonio Lopez, samantalang sa 4th round naman napatumba ni Libranza si Carlos Maldonado.
Agaw-eksena rin sa laban ang pagdating ng 2019 NBA MVP Kawhi Leonard at ng pound-for-pound king na si Floyd Joy Mayweather Jr.
Nimrod Rubia at Myca Cielo M. Fernandez