NASA kalagitnaan ng trade war ang China at Amerika, at mahalagang samantalahin ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya ang bawat pagkakataon na kumita sa sitwasyong ito, ayon sa mga nangungunang negosyante sa bansa.

Ang dalawang bansa ay parehong nakakaranas ng pananamlay sa paglago ng kani-kanilang ekonomiya dahil sa sitwasyon. Dahil dito, nakakakita ang mga Pilipinong negosyante at mga ekonomista ng mga bagong oportinidad, pero iginiit nilang nangangailangan ito ng suporta ng Kongreso.

Ayon kay Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation Inc. (SEIPI) President Dan Lachica, sa isang panayam noong Huwebes sa New World Hotel sa Makati City, “The US-China trade war is an opportunity for ASEAN, and it is Vietnam that is picking up because of their incentives.”

Dahil dito, nanawagan siya sa ating mga mambabatas na palakasin pa ang mga insentibo habang pinabababa ang gastusin sa pagnenegosyo sa bansa.

Abril ng nakaraang taon nang nawalan ng oportunidad ang bansa ng US$17.2-billion investment sana mula sa Samsung dahil sa mas magandang benepisyong inialok ng Vietnam, ayon kay Lachica. Nag-alok ang Vietnam ng mas mahabang income tax holiday (ITH) kung ikukumpara sa apat hanggang anim na taong alok ng ating Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Sinabi pa ni Vietnam Prime Minister Xuan Phuc, bilang tugon sa pagkumpirma ng Samsung noong Abril 2018 na magtatayo pa ito ng mas maraming pasilidad sa Vietnam na “we are willing to create the most favorable conditions for Samsung to develop in the country”.

“We will certainly lose into the max trajectory that we are looking into with 35 to 40 less growth,” dagdag ni Atty. Joel Domingo, ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP), sa nasabing business forum.

Samantala, iniulat ng Ecozone na ang pagkakaroon ng tax incentive ay nagbunsod sa paglikha ng halos pitong milyong trabaho, na bumubuo sa halos 10 porsiyento ng hanapbuhay para sa puwersa ng mga manggagawa, mahigit US$54 billion na halaga ng export, at nagbibigay ng substantial taxes sa ating lokal at pambansang pamahalaan. Isa sa sampung trabaho sa bansa sa ngayon ay galing sa ecozone.

Naging matagumpay din ang mga polisiya ng Pilipinas sa tax incentive, kaya naman ginaya ito ng ating mga mahihigpit na katunggali sa pamumuhunan sa ASEAN, tulad ng Vietnam at Thailand, at nagpatupad din ng kaparehong mga polisiya.

“To remove or even dilute tax incentives granted to locators now would risk the loss over time of millions of jobs and investments that would otherwise have been committed to the Philippines,” saad sa collective statement ng Philippine Ecozones Association, SEIPI, IT at Business Process Association of the Philippines, at Confederation of Wearable Exporters of the Philippines.

Binigyang-diin ng mga nabanggit na kumpanya na ang paglimita sa mga insentibo at mga benepisyong ito ay makapipigil sa mas madali at mas nakaeengganyong pamumuhunan sa Pilipinas, na magreresulta sa mas kakaunting foreign direct investments at pagkawala ng mga trabaho para sa milyun-milyong Pilipino, dahil mapipilitang lumipat sa ibang bansa ang mga kumpanya.

PNA