KARANIWAN nang ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa Pilipinas ay nagpapaigting sa pangamba laban sa mga sakit na iniuugnay sa pag-uulan at baha, tulad ng mga sakit sa baga at leptospirosis. Gayunman, sa nakalipas na mga araw ay lumobo ang bilang ng mga kaso ng dalawang sakit—ang dengue at tigdas—na wala namang kaugnayan sa tag-ulan.
Nagpalabas nitong Lunes ang Department of Health (DoH) ng national dengue alert, ang unang beses na ginawa ng kagawaran, makaraang lumobo sa 106,630 ang mga kaso ng dengue simula Enero hanggang Hunyo, 85 porsiyentong mas mataas kaysa naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Karamihan sa mga kaso ay naitala sa West Visayas, Calabarzon, Central Visayas, Soccsksargen, at Northern Mindanao. Mayroon nang 202 nasawi sa dengue hanggang nitong Huwebes, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Isinasailalim din sa monitoring dahil sa maraming kaso ng nasabing sakit ang Ilocos, Cagayan Valley, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Region in Muslim Mindanao, at Cordillera Administrative Region. Nakapag-ulat din ng pagdami ng kaso ng dengue sa ibang mga bansa sa bahagi nating ito sa mundo, partikular na sa Cambodia, Vietnam, Malaysia, at Singapore.
Dahil dito, hinimok ng DoH ang publiko na protektahan ang kanilang sarili at tumulong upang mapigilan ang pagkalat ng dengue sa pamamagitan ng pagtukoy at pagsira sa mga lugar na pinangingitlugan ng mga lamok, pagsusuot ng damit na may mahahabang manggas, paggamit ng insect repellents, agarang pagkonsulta sa doktor kung nakakaramdam ng mga sintomas ng sakit, at fogging operations.
Nagpalabas din ng alerto ang DoH laban sa isa pang usong sakit ngayon—ang tigdas—sa National Capital Region, Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas, at Central Visayas. Ang iba pang mga rehiyon na nag-ulat ng pagdami ng kaso ng tigdas ay ang Mimaropa, Ilocos, Northern Mindanao, Eastern Visayas, at Soccskargen.
Inihayag ng World Health Organization (WHO) na dumami ang mga kaso ng tigdas sa mundo, at kabilang sa sinisisi ang “antivax” movement na nag-uugnay sa mga bakuna sa mga negatibong side effects, tulad ng autism. Nagpahayag ng pagkabahala ang WHO sa pagpapakalat ng maling impormasyon na ito na nagbunsod upang maraming magulang, partikular na sa Amerika, ang tumatangging pabakunahan ang kanilang mga anak.
Nakaalerto ang ating DoH at pinakikilos na ngayon ang mga pampublikong ospital at iba pang health resources upang mapigilan ang pagkalat ng dalawang sakit na nabanggit. Maaaring isagawa ng mga lokal na pamahalaan ang fogging operations upang masugpo ang mga lamok na nagdadala ng dengue.
Subalit higit sa ano pa man, nakasalalay sa publiko, partikular na sa mga magulang ng mga batang higit na delikadong dapuan ng dengue at tigdas, ang pagpigil na kumalat ang nasabing mga sakit. Dapat na samantalahin nila ang programa ng gobyerno sa libreng bakuna laban sa dengue, tigdas, at iba pang mga sakit.