MAITUTURING na isang santuwaryo at paraiso ng mga mangingisda sa lalawigan ng Rizal at Laguna ang Laguna de Bay sapagkat malaya silang nakapangingisda sa lawa gamit ang iba’t ibang uri ng pamalakaya tulad ng pukot (trawl fishing), kitid, pante, sakag ng hipon, pahuran o gamit sa pagkuha ng mga suso sa lawa na isa sa pangunahing pagkain ng mga itik na inalalagaan ng mga taga-Rizal na naninirahan malapit sa Laguna de Bay. Bukod sa mga suso, pagkain din ng mga inaalagaang itik ang sapal ng niyog at darak. Pinaghahalo at ipinakakain sa mga itik sa umaga at hapon.
Ang pag-aalaga ng mga itik ay naging hanapbuhay ng mga taga-Rizal lalo na ng mga taga-Angono. Ang mga itik ay inaalagaan mula sa pagkaseho (tawag sa sisiw ng itik) hanggang sa kumiri o maglandi ang mga babaeng itik.
Pinapale o inaasawa ng mga barakong itik (tawag sa lalaking itik). Nagsisimulang kumiri o maglandi ang mga babaeng itik at mangitlog kapag sumapit na ng limang buwan. Ang pagkiri o paglalandi ng mga babaeng itik ay mapapansin ng mga nag-aalaga nito kapag “kumikiri” o naglalandi na sa mga barakong itik.
Ang paglalandi o pagkiri ng mga babaeng itik ay ang kanilang pagdapa o pag-upo kapag nakatabi o nakasabay sa batyang may tubig na inumin ng mga itik. Sa batya ng tubig ay naroon ang mga suso na kanilang pagkain. Ang mga suso na isa sa pangunahing pagkain ng mga itik ay ang nagpapatigas ng balat ng itlog ng itik. Kapag umupo na ang babaeng itik matapos na tumango, ang barakong itik na tumago rin ay aakyat na sa ibabaw ng babaing itik.At sa loob lamang ng ilang saglit, naipapasok ng barakong itik ang kanyang titi sa puwit ng babaeng itik. Sumisigaw ang babaeng itik. Biglang tihaya naman at bagsak sa lupa ang barakong itik. Sa kasiyahan, tumatakbo ang barakong itik na nakalawit ang sex organ na pilipit ang hugis. Tuwang-tuwa naman ang babaeng matapos mapale. Kung minsan, ang puwit ng babaing itik, kapag pinapale o inaasawa ng barakong itik ay tinutuka ng kapuwa itik na babae. Agad sinasaway o binubugaw ito kapag nakita ng nag-alaga ng mga itik. Ang dahilan ng pagsaway ay maiwasan na magkaroon ng “buwa” o lumabas ang puwit ng babaing itik. Kapag nagkabuwa ang babaing itik, mahihirapan na sa pag-itlog. Kapag hindi na pumasok ang buwa o nagpatuloy sa paglawit, hinuhuli na ng nag-aalaga ng itik at iniluluto.
Sa lalawigan ng Rizal, maraming nag-alaga ng mga itik ang gumanda ang buhay at yumaman. Napag-aral at napagtapos sa kolehiyo at pamantasan ang kanilang mga anak. Naging mga propesyonal at nakapagtrabaho sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at pribadong business establishment. May mga pinalad rin na makapag-abroad at doon nagtrabaho.
Bukod sa pag-aalaga ng mga itik, ang mga taga-Rizal na nakatira sa tabi o malapit sa Laguna de Bay ay nakapagpundar ng mga gamit sa paghahanapbuhay sa Laguna de Bay. Mababanggit ang mga pukot (trawl fishing). Ang pukot noon batay sa panayam at pahayag sa inyong lingkod ng ilan sa mga nangingisda sa lawa ay maraming natulungan at nagsilbing isang maayos na hanapbuhay. Ang pukot noon ay nagsilbing panghanap-buhay sa lawa ng mga taga-Rizal. Gayundin ng mga taga-Laguna na nakatira sa tabi o malapit sa Laguna de Bay. Ang mga taga-Rizal na hindi namumukot ay nagpundar naman ng mga lambat ng kitid at pante na ginamit nila sa pangingisda sa Laguna de Bay. At palibhasa’y sagana at mayaman sa mga isda ang Laguna de Bay, ang pangingisda sa pamamagitan ng mga kitid at pante ay nakatulong sa buhay ng mga mangingisda sa Rizal lalo na sa mga taga-Angono.
-Clemen Bautista