“TINGNAN ninyo, tulad ng sinabi ko noon, ginoo at ginang ng daigdig, kabilang ang lahat ng mga gobyerno, lilitisin lang ako, o haharap sa paglilitis sa korte ng Pilipinas, na ang hukom at prosecutor ay Pilipino,” wika ni Pangulong Duterte sa isang television interview.
Ito ang kanyang matapang na reaksiyon sa resolusyon ng Iceland na inaprubahan ng United Nations Human Rights Council na naglalayong magkaroon ng pandaigdigang imbestigasyon sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas, partikular iyong maramihang pagpatay na naganap sa pagpapairal ng kanyang war on drugs.
Binalewala ng Pangulo ang resolusyon at sinabing anumang pagkabahala ng daigdig hinggil sa mga pag-abuso sa karapatang pantao sa Pilipinas ay labis lang itong pinalubha. Kumaunti na, aniya, ang droga sa mga kalye na nagresulta sa pagbaba ng krimen.
“Kailangan panatilihin ko ito, kung hindi ko man mapuksa ang droga,” sabi pa niya.
Hindi ko alam ang pinaghuhugutan ng Pangulo. Nakalimutan na ba niya ang kanyang sinabi na wala na siyang magawa sa pagpasok sa bansa ng mga bloke-bloke at tone-toneladang cocaine na nasabat sa ating karagatan?
Kasi, aniya, malawak ang coastal area ng Pilipinas at hindi kayang bantayan ito ng mga coast guard.
Nangyari ang halos sunod-sunod na pagsabat sa mga cocaine noong panahon ng halalan. May mga kandidatong masalapi, kaya laganap ang bilihan ng boto.
Ang pagkalat ng salapi ay nangyari, hindi naman sa oras ng halalan. Ang bilihan at pamumudmod ng pera ay nangyari bago pa man mag-umpisa ang kampanya. Tumindi ang bigayan sa panahon na ng kampanya, lalo na nang naglilibot na sa bansa ang mga kandidato.
Sa araw-araw na pag-uulat ng media, hindi naman nawawalan ang mga ito ng balita hinggil sa mga sinalakay na drug den, nasabat na milyung-milyong pisong halaga ng droga, nadakip na mga yagit sa buy-bust operation, at ang grabe, napatay ang mga target ng operation dahil nanlaban umano.
Pero, ang kahindik-hindik ay may mga musmos na napatay na, na ayon sa mga operatiba, ay ginamit na panangga ng kanilang mga magulang. Ang huling balita, ang nakapatay sa tatlong taong gulang na si Myca Ulpina ay ang napatay din na si Senior Master Sergeant Conrade Cabigao, Jr. Ang insidenteng ito ay isa sa itinuturing ni Sen. Ronald dela Rosa na “shit happens”.
Pero, sinabi ng Pangulo na pinalaki lang ang isyu at pinalubha ang pag-abuso sa karapatang pantao. Kaya lang, ang ikinakatwiran niya ay kumaunti na ang droga, na sanhi ng pagbaba ng krimen.
Hindi ito ang nais malaman ng UNHRC. Ang nais busisiin nito ay ang maramihang pagpatay sa kampanya laban sa droga kaugnay ng akusasyon laban sa Pangulo ng crime against humanity.
Kung ito ang pinalubhang isyu batay sa maling impormasyon, ayon sa Pangulo, hindi ba lalong makatwiran kung hahayaang mag-imbestiga ang UNHRC, at upang maging makatotohanan ay gawin dito sa ating bansa?
Ang napakahirap lang ipaliwanag ng ating gobyerno ay bakit nagkalat ang droga at patuloy na nangyayari ang patayan sa bansa sa kabila ng war on drugs ng Pangulo?
Sino ang nakikinabang sa pagkalat ng droga sa bansa?
-Ric Valmonte