Tatlong hinihinalang miyembro ng robbery hold-up gang ang napatay ng mga awtoridad sa isang engkuwentro sa Quezon City ngayong Sabado.
Sa pagbabahagi ng Quezon City Police District (QCPD), kinilala ang mga suspek, batay sa mga ID na nakuha sa kanila, na sina Dunhill Dela Cruz, alyas "Labong"; Jeffrey Gloria; at Jesse Forte Jr., pawang mga residente ng Maynila.
Sa inisyal na imbestigasyon, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng QCPD Special Operations Unit, dakong 12:00 ng umaga na bibiktimahin umano ng mga miyembro ng tinatawag na "Nonoy Hermosa Robbery Group" ang ilang residente ng Barangay Sto. Domingo.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad sa lugar, at namataan ang apat na kalalakihan na sakay sa dalawang motorsiklo na tugma sa paglalarawan ng informant.
Nang lapitan at sitahin ng mga pulis ang kalalakihan bigla na lamang umanong nagpaputok ang mga suspek na nauwi sa engkuwentro na ikinasawi ng tatlong suspek.
Nakatakas naman ang isa sa mga suspek na kalaunan ay kinilalang si Nonoy Hermosa, na lider umano ng grupo.
Narekober naman sa mga nasawing suspek ang tatlong .45 caliber handgun at isang pakete ng shabu.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang maaresto si Hermosa.
Jun Fabon at Alexandria San Juan