Walong batang mag-aaral at isang 40-anyos na babae ang nasawi makaraang bumulusok sa bangin ang sinasakyan nilang mini dump truck sa Boljoon, Cebu, ngayong Biyernes ng umaga.

Ayon sa pulisya, 17 iba pa, kasama ang driver na si Danilo Mendez Niere, ang nasugatan sa aksidente na nangyari bandang 7:40 ng umaga sa Sitio Lingatong, Barangay Lower Becerril, Boljoon.
Sinabi ni Staff Sgt. Nelson Saquibal, ng Boljoon Police, na pawang mag-aaral sa Nangka Elementary School at San Antonio Elementary School ang mga nasawi.
Kinilala ang mga namatay na sina Jerome Nierre, 11; Mary Ann Filipino, 12; Janna Delos Santos, 12; Clint Isidore Dugang, 10; Jefferson Jorpo, 11; Alexander Villanueva, 20; Mark Lloyd Mosqueda, 12; at Riza Mae Viñan, 10; at Victoria Gorozon, 40 anyos.
Bukod sa truck driver, sugatan din sina Angel Ceciban, 10; Elvie Jean Gorozon, 9; Aga Oliveros, 12; Reyan Jhade Bentazal, 10; Lutchie May Romeo Rota, 11; Roy Quadero Endrina, 9; Alexes Mitch Allso, 10; Analyn Legarte, 10; Mark Louie Culanag; Gracia Mae Denuyo, 10; Thea Joy Felipe, 8; Bernie Niere, 11; Roxan May Endrina, 11; Chan Love Mie Endrina; 27; Imee Clear Rivas, 11; at Annrose Niere, 11 anyos.
Makikibahagi sana ang mga estudyante sa District Nutrition and Cultural Sports Meet ng Department of Education nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa pulisya, ang truck (SKV-242) ay pag-aari ng pamahalaang bayan ng Boljoon.
Patungo ang truck sa Bgy. Upper Becerril upang sunduin ang iba pang mag-aaral, subalit nang sumapit sa pababang bahagi ng kalsada ay nawalan ng preno ang sasakyan.
Batay sa salaysay ng driver, upang maiwasang dumiretso ang truck sa bangin, ibinunggo ni Danilo ang sasakyan sa isang puno, pero sa impact ay bumaligtad ang sasakyan at naipit ang mga pasahero nito.
Kinumpirma ng pulisya na kaagad na nasawi ang siyam na biktima.
-Calvin D. Cordova