NAKASENTRO ang sagupaan sa magkaribal na Real Gold at Boss Emong sa paglarga ng ikatlong yugto ng Philippine Racing Commission Triple Crown sa Linggo (Hulyo 21) sa MetroTurf Racing Complex sa Batangas.

Inaasahan ang mainit na bangaan nina first-leg winner Real Gold (jockey JP A Guce) na pagmamay-ari ng C & H Enterprise at second-leg champ Boss Emong (jockey Dan Camanero) ni Edward Vincent Diokno.

Ngunit, iginiit ni Diokno na pawang may kakayahan ang lahat ng kalahok na manalo sa pamosong karera.

“It’s anybody’s race. I don’t think magiging fight lang ito between my horse Boss Emong and Real Gold, only God can tell kung sino ba ang nararapat para sa korona ng 3rd leg ng Triple Crown,” pahayag ni Diokno.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Ang kabayo ko ang pinakamura sa lahat ng tatakbo pero basta kami ng team ko, ibibigay namin lahat dito, pagpapala ng ‘Ina ng Laging Saklolo’ ang tanging kulang. Kung sino man po ang manalo, nararapat po ‘yun sa kanila or sa amin.”

Bukod sa Boss Emong at Real Gold, apat na kabayo rin ang umaasinta sa premyong P1.8 million mula sa kabuuang premyo na P3 milyon na inihanda ng Philracom sa 2,000-meter race -- My Jopay (owner Moises Villasenor, jockey Pat R. Dilema); Shanghai Grey (Melanie Habla, JB Hernandez); Sir Joaquin (Juanito Tionloc, JT Zarate) at My Dad Bogart (Renato Virata, MP Laloma).

Ipinapalagay na hinog na rin ang My Jopay, nakasali sa dalawang unang yugto ng serye, samantalang ang My Dad Bogart at Sir Joaquin ay maaring makagawa ng sorpresa.

“We are blessed that Real Gold is able to compete in all three legs of the triple crown. Special thanks goes to the connections behind the conditioning of the horse. May the best horse win this coming Sunday,” ani Butch Mamon, isa sa may-ari kay Real Gold.

Ang second-placer ng karera ay tatanggap ng P675,000, samantalang ang ikatlo at ika-apat na kabayo ay makakuha ng premyong P375,000 at P150,000. Magwawagi naman ng P100,000 ang breeder ng kampeon.

Samantala, sa ikatlong serye ng 2019 Philracom Hopeful Stakes Race, na may distansiyang 2,000 metro, pitong kabayo ang maglalaban-laban para sa kampeonato na may premyong P600,000 mula sa P1 million na nakataya, sa pangunguna ng second leg runner-up na si Two Timer (owner Melanie Habla, jockey JA Guce) at ikatlong puwestong The Accountant (Luis Aguila, Pat R Dilema).

Sasanib din sa laban sina Best Regards (owner Peter Aguila, jockey CP Henson), My Shelltex (Antonio Tan, JB Guce), Phenomenal (Enrique Javier, JP A Guce), Tulos Express (Mario Alvarez, RM Garcia) at Westeros (Juan Miguel Yulo, AR Villegas).

Ang ikalawang puwesto ay tatanggap ng P225,000, samantalang ang ikatlo at ika-apat na kabayo ay magbubulsa ng P125,000 and P50,000. Ang panalong breeder ay may premyo na P30,000.

Ang huling kabayong nagwagi ng Triple Crown ay ang Sepfourteen ng SC Stockfarm noong 2017 at ang Kid Molave ni Emmanuel Santos noong 2014.