MAGANDA ang maaasahan sa pagkakatalaga kay Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol bilang bagong pinuno ng Mindanao Development Authority (MinDA). Ipinanganak at lumaki sa Mindanao, sadyang maka-Mindanao ang kanyang puso ngunit may kakayahang umunawa at tumugon nang patas sa maseselang usapin.
Hindi kaagad bumibigay sa pressure s Piñol. Bilang dating mamamahayag, nagsimula siya sa ibaba nang naging kapita-pitagang sportswriter. Bilang M’lang, Cotabato mayor, hinarap at pinagbawalan niyang pumasok sa kanyang nasasakupan ang mga rebeldeng MNLF at pinanindigan niya ito.
Dahil dito, maraming rebelde na sumusuporta sa bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), maliban sa nakakaunawa nilang mga lider, ang kumontra sa pagtalaga sa kanya sa MinDA na hanggang kamakailan ay pinamunuan ni Abul Khayr Alonto, dating MNLF lider.
Para paghandaan ang bago niyang misyon bilang Mindanao’s Development Czar, pinangunahan kamakailan ni Manny ang unang BARMM Agriculture and Fisheries Master Plan Assembly sa Davao City. Ang output nito ay isusumite niya kay BARMM Chief Minister Ahod “Murad” Ebrahim na siya namang magsusumite nito kay Pangulong Duterte.
Marami sa agenda at master plan ng BARMM ang gaya ng isinulong ni Manny bilang Agriculture Secretary. Kasama rito ang kung paano tutugunan ang kahirapan, pagpapalawak sa pagsasaka at pangingisda para sa kasapatan sa pagkain na kaya ng karamihan, mas mabilis na pagtititulo sa lupa upang matapos ang mga hidwaan, at pagsulong sa mahahalagang imprastruktura tungo sa makabuluhang pag-unlad.
Marami ang dapat matutuhan sa kabutihan ni Manny ang mga kumukontra sa kanya. Bagamat handa siyang makipag-iskrima kaninuman, sa kabila ng kanyang liit, matatag niyang pinaninindigan ang pinaniniwalaan niyang tamang mga prinsipyo, hindi gaya ng iba na madaling matakot, tumiklop o tumakas sa harap ng mga banta, dahil sa kakulangan sa matibay na paninindigan. Sa mga sitwasyong alanganin, pinananatiling kalmado ni Manny ang kanyang sarili. Hindi niya isinasakripisyo ang matuwid.
Higit na malaking hamon ang misyon ni Piñol bilang tagapamuno ng MinDA, kaysa sa pagpapatupad ng ibang pambansang panuntunan at programa. Para sa isang rehiyon gaya ng Mindanao na binubulabog ng mga labanan sa loob ng maraming dekada, tiyak na makikinabang ito sa matibay at malikhain niyang pamumuno at pakikinig sa iba’t ibang pangangatwiran.
oOo
MatriarkangAlfafara. Nalalapit nang ipagdiwang ng angkang Alfafara ng Cebu ang itinuturing nilang “pang-sentenaryong selebrasyon” ng kanilang pamilya. Ito ang pang-100 kaarawan sa ika-2 ng Agosto ng kanilang matriarka – si Gng. Lourdes Celez Alfafara. Gaganapin ito sa Radisons Blue Cebu sa Cebu City.
-Johnny Dayang