NANG malaman ko na ang panukalang batas na magbibigay ng buwanang baon na P1,000 sa mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), na itinutulak ni Gatpuno (Mayor) Francisco “Isko Moreno” Domagoso ay malapit nang makalusot sa City Council, ‘di ko napigil na mapapalakpak sa labis na katuwaaan.
Natutuwa ako para sa magulang ng mga mag-aaral ng nagdarahop na pamilya sa Lungsod ng Maynila na mga hilong talilong tuwing mangangalabit ang anak para humingi ng baon sa pagpasok sa eskuwela.
Libre nga ang pag-aaral sa kolehiyo sa PLM, at sa kapatid nitong paaralan na Universidad de Manila (UdM)—proyekto ng lungsod para sa mga Manileño—subalit sa kabila nito, marami pang gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak ang iniintindi ng mga nagdarahop na magulang, kaya ayon kay Gatpuno Moreno malaking bagay ang panukalang batas na ito para sa mga mag-aaral ng PLM at UdM.
Ani Gatpuno Moreno: “One of our parents’ dreams is for us to finish our studies. But students’ face so many challenges in their everyday lives. If we implement this (program), it will help ease the expenses of the students’ parents.”
Nagpusong-mamon ako sa tinuran ni Gatpuno Moreno. Nagbalik sa aking alaala kung paano ako napasok at nakapagtapos ng kursong electrical engineering sa PLM limang dekada na ang nakararaan.
Isa ako sa libu-libong magtatapos ng high school sa distrito ng Tondo noong 1971, at kasama sa mga estudyante na gustong makatuntong sa kolehiyo ngunit hinaharangan ng problemang kakapusang pangpinansiyal ng buong pamilya!
Natatandaan kong nagtanong ako kay Papa, biyudo at mekaniko ng iba’t ibang klaseng sewing machine, na noo’y hindi na masyadong makapagtrabaho dahil nagpapagaling pa sa pinsalang dulot ng pagkakabundol sa kanya ng isang pampasaherong dyip. Bed-ridden siya ng halos tatlong taon.
Nang tanungin ko siya kung saan ako mag-e-enrol, matunog ang tugon niya sa akin: “Mag-iipon muna tayo ng pang-tuition mo, next year ka na mag-e-enrol!”
Parang bomba na sumabog sa aking pandinig, ngunit hindi pumigil sa akin upang makapag-aral sa kolehiyo—ang naging kasagutan ay ang libreng pag-aaral sa PLM na proyekto ni Gatpuno Antonio “Yeba” Villegas, na marahil kung hindi pinaglaruan ng ilan sa mga naupong pulitiko sa Lungsod ng Maynila, ay mas malayo ang narating sa larangan ng “tertiary education”!
Ang hindi ko makalilimutang senaryo: Unang araw ng klase ko sa PLM, lumapit ako kay Papa upang humingi ng 50 sentimos na baon—30 sentimos pasahe sa bus, balikan mula Tondo papuntang Intramuros, at 20 sentimos pangmeryenda—at nag-aatubili pa siya na abutan ako. Hindi niya kasi alam na nakapasa ako sa scholarship sa PLM at libre akong makapag-aaral sa kolehiyo.
Nang malaman ni Papa na naka-enrol na ako at mag-aaral ng engineering—ang pangarap niyang kurso para sa akin—nang walang bayad sa PLM, agad siyang dumukot ng barya sa kanyang bulsikot at iniabot sa akin. Sa aking pagtalikod, damang-dama ko ang nararamdaman ni Papa na noo’y napansin kong nangingilid ang luha. Nagtagumpay ako makaraan ang halos anim na taon.
Kahapon nga, magkakasama kami ng ilang ka-batch ko sa PLM sa 52nd anniversary ng unang pagbubukas ng PLM ng klase noong Hulyo 17, 1967.
Masayang kuwentuhan at pagbabalik-tanaw ng mga estudyante, na ang madalas na problema noon ay baon at pamasahe upang makapag-aral.
Maraming pagbabago sa PLM ang aming sinusubaybayan—gaya ng bagong Ospital ng Maynila para sa mga medical student ng PLM at ang pagtatayo ng Traffic Management Institute na tutulong sa paglutas sa problema sa trapiko sa Kalakhang Maynila.
“With an annual budget of over P14 billion, the city government could fund the student allowance program for more than 20,000 students of the PLM and UdM,” pagdidiin ni Gatpuno Moreno.
Kasama sa aming dalangin na nawa’y magtagumpay ka, Gatpuno Isko Moreno!
(Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected])
-Dave M. Veridiano, E.E.