KAHIT medyo masama ang katawan ni Manila Mayor Isko Moreno, pinuntahan niya ang imbitasyon ng Dobol B sa News TV, ang morning show ng GMA News & Public Affairs, na naririnig sa DZBB at napapanood din sa GMA News TV sa Channel 27.
Nangunguna sa show si Mike Enriquez, at kasama niyang nag-interview kay Mayor Isko sina Arnold Clavio at Ali Sotto. Si Mike ay taga- Sta. Ana, Manila, habang si Arnold ay katulad ni Mayor Isko na batang Tondo.
Hindi naman lingid sa mga tao, lalo na sa mga taga-Maynila, ang pagbabagong ginagawa ng alkalde sa paglilinis at pagpapaganda sa siyudad.
Pero may isang bagay na gustong magawa si Mayor Isko, at iyon ay ang papanagutin ang mga magulang ng mga menor de edad na nakagagawa nang hindi maganda.
Kapag nagkaroon daw ng kaso, ibinibigay lang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga bata, at kukunin din ng mga magulang.
Pero hindi pa raw nakakatalikod ang mga magulang ay balik na naman sa dating gawi ang mga bata.
Tanong ni Mike kay Mayor Isko: “Paano kung sabihin ng mga magulang na busy sila kaya hindi nila nasusubaybayan ang mga anak nila?”
“Sir Mike, hindi naman sila 24 oras na nagtatrabaho, pero ang mga anak nila 24 oras na nasa lansangan,” sagot ng alkalde. “Kaya may oras din silang puwedeng ilaan sa mga anak nila kung gusto nila.”
Open book naman sa publiko ang pinagmulan ni Mayor Isko, na lumaking nangangalakal ng basura, na kung walang makain ay naglilibot sa mga lamayan sa Tondo at doon nakikikain. Pero paglilinaw ng alkalde na ngayon ng siyudad, never daw siyang nagnakaw ng kakainin nila.
Sa isang lamayan nakita si Isko ng naging manager niyang si Daddy Wowie Roxas.
Si Daddy Wowie ang nagdala kay Mayor Isko kay Kuya Germs, German Moreno, na nagpasok naman sa binata sa That’s Entertainment.
Doon na nagsimulang guminhawa ang buhay ni Mayor Isko, pero hindi niya kinalimutan ang kanyang pinagmulan.
Nagkomento si Mike: “Alam mo, Mayor Isko, tiyak may isang taong nakangiti na pinapanood ka ngayon at pumapalakpak, si Kuya Germs.”
Hindi nakakibo si Mayor Isko, hanggang sa nangilid ang luha niya at napaiyak, kaya niyakap siya nina Arnold at Ali.
Hangad din namin na patuloy na magampanan lahat ni Mayor Isko, at ng kanyang mga kasama sa Manila City Hall, ang mga pagbabagong gusto niyang maipatupad sa kabisera ng bansa.
-NORA V. CALDERON