‘TILA nakapasimple lang ng lahat noon. Mayroong dalawang sistemang partido bago ang 1972—ang Nacionalista Party at ang Liberal Party—at kung sinuman ang may pinakamaraming miyembro sa Kamara de Representantes, ang siyang maghahalal ng Speaker. Habang ang kabilang partido ang maghahalal ng Minority Leader.
Sa kasalukuyan, mayroon tayong multi-party system at sa 18th Congress na magbubukas sa Lunes, Hulyo 22, walang partido ang maikokonsiderang mayorya sa kapulungan. May 84 mambabatas ang miyembro ng PDP-Laban, 42 sa Nacionalista, 36 sa Nationalist People’s Coalition, at 25 na bahagi ng National Unity Party. Kilala ang mga ito bilang maka-Duterte na mga kongresista at sama-sama, sila ang may hawak ng mayorya ng 187 sa 304 miyembro ng Kongreso. Hindi makapagdesisyon ang mga ito kung sino sa kanila ang magiging Speaker, kaya naman namagitan na si Pangulong Duterte at nagbigay ng kanyang mungkahi—si Rep. Alan Peter Cayetano ng NP para sa 15 buwan at si Rep. Allan Lord Velasco ng PDP-Laban para sa natitirang 21 buwan.
May katulad din na problema ng pamumuno sa hanay ng maraming maliliit na minoryang partido sa Kamara. Mayroong 18 Liberal, 11 Lakas, 61 na kumakatawan sa iba’t ibang party-list, at maraming iba pa na kumakatawan sa kanilang lokal na partido. Sino ngayon sa mga ito ang magsisilbi bilang Minority Leader?
Nagpahayag ng pagkabahala si Rep. Edcel Lagman ng LP, na nangunguna sa isang grupo ng oposisyon na kilala bilang Magnificent 7 sa huling Kongreso, na nais din umano ng mayorya ng bagong Kongreso na makuha ang posisyon para sa Minority Leader, tulad ng ginawa nito noong nakaraang Kongreso. Nagpahayag din ng kanyang opinyon si Sen. Francis Pangilinan, pangulo ng LP, at sinabing: “I believe that a strong minority is essentyial to our democracy.”
Walang dudang mas mahirap pumili ng Majority at Minority Leader kung maraming partido ang sangkot. Nakuha ng partido ng mayorya ang tulong ni Pangulong Duterte. Gayunman, ang maraming minoryang grupo, ay walang malalapitan.
Tunay namang isa itong mahirap na sitwasyon ngunit kailangan ng malakas na hakbang ng mga miyembro ng Kongreso upang mapanatili ang tunay na konsepto ng mayorya at minoryang pamumuno sa Kongreso. Matapos makapili ng Speaker ang 187 kongresista sa apat na maka-administrasyong partido, dapat na nilang ipaubaya sa natitira—ang 117—ang pagpili ng Minority Leader.
Hindi ito madaling makamit, lalo’t maaaring nais ng mayorya na higit na makontrol ang Kamara upang masiguro ang mabilis na pagpasa ng mga panukalang-batas ng administrasyon. Ngunit para sa interes ng demokratikong ideya ng malayang ugnayan sa pagitan ng miyorya at minorya, dapat na pahintulutan ang huli na maghalal ng kanilang sariling Minority Leader sa Kamara.