NAGTUNGO sa tanggapan ng Commission on Human Rights nitong Biyernes ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao upang kunin ang kanilang bahagi sa class suit na napanalunan nila laban sa mga ari-arian ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ito iyong kabayaran sa pinsalang tinamo nila mula sa kalupitan ng diktaduryang pamamahala ng dating Pangulo.
Si dating Sen. Sergio Osmeña III ay isa sa mga biktima ng martial law na nakatanggap ng
tseke. Pagkatapos niya itong tanggapin, nag-isyu siya ng sariling tseke sa parehong halaga at nitong Lunes ay nag-donate nito sa Free Legal Assistance Group (FLAG), ang pangunahing grupo ng mga abogado na nagtanggol sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng batas militar.
Ang FLAG ay itinatag ni dating Senador Jose Diokno, at ngayon ay pinamumunuan ng kanyang anak, ang tumakbo sa pagkasenador at kasalukuyang dean ng College of Law ng De La Salle University na si Chel Diokno.
Ayon kay Osmeña, natanggap niya ang unang parte, na nagkakahalaga ng $1,000 o P43,000 (sa palitan ng panahong iyon), subalit hindi niya nakuha ang ikalawang bigay, dahil nakalimutan niyang kunin ang tseke. Itong huling natanggap niya, nasa P77,500, ay ikatlong bahagi na. Ang ikalawang bahagi na hindi niya nakuha ay nagkakahalaga rin ng $1,000, o P55,000.
Nagtungo rin ang screenwriter-journalist-poet na si Jose “Pete” F. Lacaba, Jr. at ang screenwriter Bonifacio Ilagan sa tanggapan ng CHR, pero sinabihan silang wala silang tseke, dahil inalis ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga claimants. Ilan lang sila sa maraming ipinakulong ni Marcos dahil sa kanilang mga isinulat.
Ayon kay Sen. Osmeña, narinig niya ang hinggil sa pag-alis sa listahan ng ibang claimants dahil may mga nagpapanggap, kaya kapag hindi nagresponde sa mga paabiso ng korte, inaalis ang mga ito sa listahan.
“Naalaala ko na. Natanggap ko ang unang ipinadalang notice sa akin, pero nag-atubili akong mag-file ng claim. Kasi, hindi tayo lumaban para kumita,” sabi ni Lacaba.
Ito ang dahilan kung bakit hindi ako sumama sa mga nagyaya sa akin na humiling din ng kaukulang kabayaran sa pinsalang natamo ko sa panahon ng martial law.
Noong Setyembre 23, 1972, 5:00 ng madaling araw, nang kunin ako ng mga taga-Metrocom sa aming tahanan. Ayon sa lider, “Inimbitahan ka sa Camp Crame dahil idineklara na ng Pangulo ang martial law.”
Isa ako sa unang batch na palihim na ipinadakip ni Marcos. Naging pangulo ako ng Lyceum Central Student Government, kasama akong nagtatag at naging 1st vice chairman ng Kabataang Makabayan, naging pangulo ng Conference Delegates Association of the Philippines, isa sa mga convener ng Movement for Advancement of Nationalism, at kasapi ng College Editors Guild of the Philippines noong panahong iyon.
Matindi naming niyugyog ng mga rally ang administrasyong Marcos, lalo na nang ipinananalo niya ang kanyang re-election sa pamamagitan ng pandaraya, panloloko at pananakot.
Naubos ang tinta ng aming pluma para ituwid ang pagkakamali sa pamamagitan ng panulat. Ang mga ginawa ko nang ako ay estudyante ang inungkat ng imbestigador nang ako ay imbestigahan pagkatapos dakipin.
Nilabanan ko ang mapaniil na administrasyong Marcos, at dahil dito ay nakulong ako sa loob ng anim na buwan.
Hindi naman ako collateral damage. Nasa firing line ako, na lagi naming sinasabi noon: “The firing line is the best place to die with honor.”
Bakit ko ngayon pagbabayarin si Marcos sa ginawa sa akin?
-Ric Valmonte