Nanguna ang umento sa mga manggagawa, presyo ng mga pangunahing bilihin, at sapat na trabaho sa mga isyung nais na marinig ng mga Pilipino sa paglalahad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng State of the Nation Address o SONA, sa Lunes.

SONA NG PANGULO Nakasabit na ang tarpaulin sa entrance ng Kamara de Representantes sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, para sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes. (MARK BALMORES)

SONA NG PANGULO Nakasabit na ang tarpaulin sa entrance ng Kamara de Representantes sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, para sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes. (MARK BALMORES)

Sa huling Pulse Asia Research survey nitong Biyernes, nasa 17.1 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing nais nilang talakayin ng Presidente ang mga usapin sa sahod, habang 17.1% iba pa ang gusto namang makibalita sa presyo ng mga bilihin.

Sinundan ito ng 15.2% ng mga intresado sa mga plano ng gobyerno sa paglikha ng mas marami pang trabaho sa natitirang tatlong taon ng pamumuno nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bukod dito, 9.2% ang nais na talakayin ni Duterte ang isyu tungkol sa ugnayan ng Pilipinas at China.

Ang iba pang usaping interesante para sa mga Pilipino na nais nilang marinig sa SONA ay ang update sa kampanya kontra droga (7.8%), pagpapabuti sa sektor ng agrikultura (5.9% percent), pagsugpo sa kahirapan (2.5%), laban kontra kurapsiyon (1.6%), infrastructure development (0.5%), at respeto sa karapatang pantao (0.3%).

WALANG PASOK

Kaugnay nito, sinuspinde ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa siyudad sa Lunes, upang hindi maapektuhan ang mga estudyante sa inaasahang pagsisikip ng trapiko dahil sa mga kilos-protestang isasagawa kasabay ng SONA.

Samantala, ngayong Sabado pa lang ay naka-full alert status na ang 28,000 tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa SONA.

14,000 PULIS IPAKAKALAT

Ayon kay NCRPO Director Major General Guillermo Eleazar, nasa 14,000 pulis ang ipakakalat upang tiyakin ang seguridad ng publiko sa pagsasagawa ng SONA.

Sa nasabing bilang, 9,162 ang ipakakalat malapit sa Batasang Pambansa, simula 5:00 ng umaga, ayon kay Eleazar.

Nasa 15,000 raliyista naman ang inaasahang makikibahagi sa mga kilos-protesta kaugnay ng SONA sa Lunes.

-Alexandria San Juan, Jun Fabon, at Martin A. Sadongdong