ANG away hinggil sa “pork barrel” ang dahilan kung bakit nito lamang Marso 2019 naaprubahan ang 2019 national budget, na dapat sanang naipasa noon pang Disyembre 2018. Dahil sa tatlong buwang pagkaantala, kinailangang gamitin ng pamahalaan ang lumang 2018 national budget, upang makapagpatuloy sa normal ang operasyon ng pamahalaan at makasuweldo ang mga empleyado ng gobyerno.
Ngunit ang mga bagong proyekto ay hindi maipatupad. Kabilang dito ang maraming proyektong imprastraktura sa ilalim ng “Build, Build, Build”—mga daan at tulay, paliparan at pantalan, gusali ng mga paaralan at iba pang istruktura ng gobyerno. Dahil ang gastos ng pamahalaan ang sumasakop sa malaking bahagi ng Gross Domestic Product (GDP), bumagsak ang GDP ng bansa sa unang tatlong buwan ng 2019. Makakaasa lamang tayo na mapupunan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga natitirang buwan ang tatlong buwang kawalang-aksiyon.
Umaasa si incoming Speaker Alan Peter Cayetano na maiwasan ang nagyaring sigalot noong 2018 sa Kamara at Senado, na naging dahilan ng pagkaantala ng budget. Ang Kamara at Senado, aniya, ay dapat na mabigyang-linaw ang kahulugan ng “pork barrel” na ipinagbawal ng Korte Suprema noong 2014 at sumang-ayon sa isang pambansang budget na tama sa panahon, ito ay bago magsimula ang 2020.
Sa puntong maaprubahan ng Kongreso at malagdaan ng Pangulo ang pambansang budget, ayon sa Korte Suprema, hindi na maaaring makialam o makilahok ang Kamara at Senado sa implementasyon ng anumang proyekto na nakalista sa budget. Ito ay upang maiwasan ang lumang kalakaran ng mga mambabatas na nakakukuha ng malaking komisyon—20 porsiyento o higit pa—mula sa mga public works contractor na napiling magsagawa ng proyekto.
Sa pagkaantala ng 2019 national budget—may P75 bilyon ang inilaan sa mga proyekto ng mga espesipikong distrito, na inilagay sa panukalang-budget ng ilang mga kongresista ng mga distritong ito. Nais ng mga senador na matanggal ang mga item na ito, na iginigiit nilang “pork barrel.” Sa wakas, matapos ang tatlong buwang hindi pagkakaunawaan, naaprubahan na ang pinag-aawayang budget at naipasa kay Pangulong Duterte para sa lagda nito. Nagdesisyon ang Pangulo nai-veto na lamang ang P76 milyong proyekto.
Tunay na kailangang iwasan ang malalaking alokasyon na nagawang maisingit sa nakalipas ng ilang kongresista sa pambansang budget ngunit, tiyak, mayroon din namang mga mahahalagang proyekto na hinahangad ng mga kongresista para sa kanilang distrito. Maaaring kailangan lamang ng tamang pagbibigay kahulugan, at paglilinaw sa pagitan ng mga senador at mga kongresista.
Nauna nang binanggit ni incoming Speaker Cayetano ang problema sa pag-asang nais din natin, na ang lumang isyu ng “pork barrel” ay hindi na magdulot ng pagkaantala sa pambansang budget – kasama ng mga dala nitong epekto—tulad ng nangyari noong nakaraang taon.