MAGKAKONTRA sina Sen. Panfilo Lacson at Senate Pres. Tito Sotto tungkol sa intensiyon ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na kumalas ang Pilipinas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC). Para kay Lacson, dapat magdahan-dahan at mag-ingat ang bansa sa pag-withdraw sa UNHRC . Para naman kay Sotto, suportado niya ang pagkalas ng ‘Pinas at binanggit pa ang mga benepisyo na matatamo sa pagkalas.

Ayon kay Sen. Ping, kapag lagi na lang kumakalas ang PH sa mga lupon ng UN, baka dumating ang panahon na ang ating bansa ay nag-iisa na lamang at walang kakampi o relasyon sa ibang mga bansa sa mundo. Badya ni Lacson: “ Hindi natin alam kung kailan, ano at paano, pero bilang isang developing country, maaaring kailanganin natin ang tulong ng komunidad ng mga bansa ngayon at sa susunod na panahon.”

Sa kabilang dako, sinabi ni Sotto na hindi maagrabyado ang bansa sa pagkalas sapagkat mismong ang US ay kumalas sa UNHRC noong Hunyo ngunit hindi naman naapektuhan. “Hindi ako magtataka kung tutularan ni Sec. Locsin (ang ginawa ng US), lalo na’t bigla ang pagpapatibay sa resolusyon ng Iceland at hindi naman nakakuha ng majority (ng boto), at basta sinabing ito ang UNHRC resolution”.

Una rito, kumalas na rin ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) sapagkat hindi nagustuhan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang balak na pagsasagawa ng imbestigasyon sa madugong illegal drug war ng administrasyon. Ngayon, hindi rin niya nagustuhan ang UNHRC resolution na nagpaparepaso sa drug war ng Pangulo.

Samantala, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na tanging si PRRD ang makapagpapasiya kung dapat nang kumalas ang ‘Pinas sa UNHRC. “Hayaan nating ang Pangulo ang magbigay ng final position. Siya ang mag-iisyu ng final decision dahil siya ang pangunahing arkitekto ng foreign policy ng ating bansa.”

oOo

Hindi na naman dadalo si dating Pangulong Noynoy Aquino sa State of the Nation Address (SONA) ni PDu30 sa ika-22 ng Hulyo, 2019 kahit siya ay imbitado. Si Vice Pres. Leni Robredo naman ay dadalo sa SONA. Medyo malayo ang lugar ni VP Leni at hindi makikita ni PDu30 ang mapuputi niyang binti. Hindi rin dumalo si ex-PNoy sa naunang mga SONA ni Mano Digong sapul noong 2016. Ayon sa binatang dating Pangulo: “Manonood na lang ako sa TV tulad nang dati.” Bakit kaya? Ayaw kaya niyang makita nang personal ang mukha ni Mano Digong?

Siyanga pala, bukod sa planong pagkalas ng Pilipinas sa UNHRC, may balak din ang ating Pangulo na lagutin ang relasyong diplomatiko ng bansa sa Iceland na nagtaguyod ng resolusyon na repasuhin o imbestigahan ang giyera sa illegal drugs ng Duterte administration.

Sabi nga ng kaibigan kong sarkastiko: “Aba, hindi dapat balat-sibuyas ang ating Pangulo. Hindi dapat basta-basta makikipaglagot ng ugnayan sa isang bansa dahil lang sa pagkakaiba ng opinyon at paninindigan. Ang China nga inookupahan na ang mga isla natin at binubully tayo, pero hindi tayo kumakalas sa pakikipagkaibigan at relasyon sa bansa ni Pres. Xi Jinping.” May katwiran!

-Bert de Guzman