Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa 202 na ang patay dahil sa dengue sa limang rehiyon ng bansa.
Sa datos ng NDRRMC, simula Enero 1 hanggang Hulyo 13, aabot na sa 38,804 ang kaso ng dengue sa CALABARZON, Regions VI, VII, VIII at Soccsksargen.
Ang CALABARZON ay mayroong 13,032 dengue cases at 50 na ang nasawi.
Sa Region VI naman, pumalo na sa 15,813 ang kaso kung saan 90 ang nasawi.
Sinabi naman na may pinakamataas na nasawi sa Region VII sa naitalang 9,594 na kaso nito at 62 ang nasawi.
Sa Region VIII, mayroong 57 dengue cases habang naitala naman sa Soccsksargen ang 308 na na-dengue.
Kamakailan ay nagdeklara na ng state of calamity sa Pontevedra at President Roxas sa Capiz, gayundin sa Maasin, Iloilo dahil sa mabilis na pagdami ng nahahawaan ng nabanggit na sakit.
DENGUE OUTBREAK SA CAVITE
Idineklara naman ni Cabvite Governor Juanito Victor "Jonvic" Remulla, Jr. ang outbreak ng nasabing sakit sa kanyang nasasakupan.
Ito ay bunsod na rin ng rekomendasyon ng Sangguniang Panlalawigan at ng Provincial Health Office (PHO).
Kabilang sa nagkaroon ng outbreak ang dalawang lungsod at anim na bayan sa lalawigan na kinabibilangan ng
Dasmariñas, General Trias, Alfonso, Carmona, General Mariano Alvarez (GMA), Indang, Naic at Silang.
Layunin aniya nito na mabigyan ng tamang kaalaman ang mga residente at gumawa ng kaukulang hakbang kontra sa naturang sakit.
DAVAO HEALTH OFFICIALS, NAALARMA
Naalarma naman ang mga opisyal ng Department of Health sa Davao Region kasunod na rin ng pag-doble ng naitalang bilang ng na-dengue, kumpara sa nakaraang taon.
Sa isang ulat na Department of Health - Regional Epidemiology and Surveillance Unit (DOH-RESU), nakapagtala ang Davao region 3,495 dengue cases, at 15 ang nasawi, mula Enero 1 hanggang Hulyo 15 ng taon na mas mataas kumpara sa 1,970 na kaso nito sa kaparehong panahon ng nakalipas na taon.
Sa kabuuang nasawi ngayong taon, anim sa Davao City, apat sa Island Garden City of Samal (Igacos); isa sa Don Marcelino, Davao Occidental; isa sa Kiblawan, Davao del Sur, isa sa Lupon, Davao Oriental; isa sa New Bataan, Compostela Valley; at isa rin sa Tagum City, Davao del Norte.
KOOPERASYON NG PUBLIKO, PANAWAGAN
Umapela rin si Davao City Health Officer Josephine Villafuerte sa publiko na makipagtuungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa mga proyekto nito kontra sa nabanggit na sakit.
“A dengue is a mosquito-borne viral disease that has rapidly spread in all regions of the World Health Organization (WHO) in recent years. The virus is said to be transmitted by the female mosquitoes mainly of the species Aedes aegyptiand, to a lesser extent, Ae. Albopictus,” ayon kay Villafuerte.
-Fer Taboy, Anthony Giron at Ivy C. Tejano