BUKAS si Pangulong Rodrigo Duterte na talikuran ng sambayanang Pilipino ang pederalismo.
Hindi niya ipipilit, kung karamihan ay tutol na palitan ang porma ng kasalukuyang pamamahala sa Pilipinas.
Subalit, pahabol ni Digong, kailangan lang isalpak ang mga piling amyenda sa Konstitusyon para iwas-gera, at mapagbigyan si MNLF Chairman Nur Misuari, dahil napangakuang isusulong ang pederalismo.
Ito ay para patas ang maging pamamahagi ng kapangyarihan sa pagitan ng MILF (Bangsamoro Autonomous Region) at dagdag na estado para sa MNLF.
Batay sa mga katagang binitawan ni Congressman Alan Peter Cayetano (susunod na Speaker ng Mababang Kapulungan), isusulong niya ang nais ng Palasyo na amyendahan ang Konstitusyon. Kontrobersiyal at mapakla ang unang panukalang pinalipad ni Cayetano.
Gawing apat hanggang limang taon na ang termino ng mga kongresista sabay alisin ang ‘term-limits’. Kung tunay at dalisay ang hangarin na baguhin ilang probisyon sa 1987 Constitution, apat na amendments ang sukat na kinakailangan ng republika: 1) Gawing apat na taon (hindi limang taon) ang termino ng mga mambabatas, kalakip pa rin ang term limits na hanggang tatlong tuloy-tuloy na pagkandidato.
Diwa ng panukala, itama sa kabuuang 12 taon din, ang paninilbihan ng congressman tulad sa senador; 2) Lokal na Opisyales iparehas din sa apat na taong termino, na may term limits, parehas sa kongresman at Senador; 3) Termino ng presidente at bise-presidente na may apat na taon din.
Payagan sila makatakbo muli ng isa pang pagkakataon, may walong taon sa kabuuan, tulad sa matibay na nakagawian sa 1935 Constitution, pagkatapos maamyendahan ni Pangulong Manuel Quezon. Tumpak ang nasabing pormula dahil walang “people power” na naganap mula kay Quezon hanggang Diosdado Macapagal. Kayang tiisin ng madlang-pipol ang palpak na administrasyon kung apat na taon lang bubunuin, hindi anim; 4) Senado na binubuo ng 24, ihati sa tatlo.
Sa unang eleksyon, walong puwesto ang laan, toka lahat ng taga-Luzon.
Susunod na halalan, walo na pawang taga-Visayas. Sa pangatlong eleksyon, walo na puro taga-Mindanao.
Balanse at patas lahat. Tama na yung 24 senador. Huwag na dagdagan dahil lalaki ang gastos ng bayan. Halimbawa suweldo, pork barrel, tanggapan, atbp. Ang apat na amyenda ay siguradong lusot sa plebesito
-Erik Espina