KINAPOS si Pinay world champion Rubilen Amit sa dikdikang duwelo kay Amber Chen ng Taiwan sa championship match sa katatapos na 32nd Japan 9-Ball Open sa New Pier Hall sa Tokyo, Japan.

Nakaungos si Chen kay Amit, 7-5, sa race-to-7, rack-your-own finals.

Bunga nito, naibulsa ni Chen ang ¥400,000 (Japanese Yen) top prize habang nagkasya naman si Amit sa ¥200,000 (Japanese Yen).

Bago makapasok sa finals, kinakailangan munang magwagi si Chen kay Miyuki Kuribayashi ng Japan, 7-4, sa final four duel para makapuwersa ng titular showdown kay Amit na dinaig naman si Angeline Magdalena Ticoalu ng Indonesia, 7-3, sa isa pang semifinal match.

Dalawang Pinoy mountaineers, sumakses sa tuktok ng Mt. Everest

Nasargo muna ni Amit ang 4-0 commanding lead bago nakabawi si Chen matapos maitumbok ang six straight racks para makapuro, 6-4, sa winner’s break format. Sa pagkakamali ni Chen sa 8-ball shot na nagbigay daan kay Amit para maidikit ang laban sa 6-5 count. May pagkakataon pa sana si Amit na maitabla ang laro at sa kanya pa sana ang deciding game pero nabigo siya sa 12 racks.

Ang susunod na laban ni Amit ay sa China Open na gaganapin sa Shanghai, China mula Setyembre 1 hanggang 8.

Ang kampanya ni Amit sa Japan at China ay suportado ng Philippine Sports Commission at ng Billiard Sports Confederation of the Philippines sa magiting na pamumuno nina long-time billiards patron sportsman/businessman Aristeo “Putch” Puyat at DMC Entertainment and Production management boss Jesse Gonzales Cambosa Sr. bilang parte ng kanyang preparasyon sa nalalapit na Manila Southeast Asian Games.