Hindi magsasawalang-kibo si Pangulong Rodrigo Duterte kung maapektuhan na ang mga Pinoy sa Iceland kaugnay ng pagkilos ng nasabing bansa na imbestigahan ang madugong war on drugs sa Pilipinas.

(KING RODRIGUEZ/Presidential Photo)

(KING RODRIGUEZ/Presidential Photo)

Ito ang naging reaksyon ni Duterte matapos na kumpirmahin ng Malacañang na pinag-aaralan na ng Pangulo na putulin ang 20 taong diplomatic relation nito sa Iceland na nauna nang naghain ng resolusyon sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) upang hilinging imbestigahan ang giyera kontra-droga ng administrasyong Duterte.

Gayunman, aminado ang Pangulo maaaring maapektuhan ang sitwasyon ng mga Pinoy na naka-base sa Iceland kapag pinutol nito ang ugnayan ng Pilipinas sa naturang bansa.

National

Pagdawit ng ICC kina Dela Rosa at Go, masakit na proseso para sa Senado!—Sen. Risa

"I learned that there about 2,000 workers in Iceland. So sabi ko I’m seriously considering because it might affect the relations between our citizens and the host country. They might not like the way we behave towards them and so they will be prompted to take measures. I hope they do not have to do it because I won’t take it sitting down," aniya.

Nitong nakaraang linggo, tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. na hindi puputulin ng Pilipinas ang diplomatic ties nito sa UNHRC o sa iba pang bansa.

Binigyang-diin ni Duterte na hindi na saklaw ng desisyon ni Locsin ang pamumutol ng Pilipinas sa diplomatic relation nito sa Iceland.

"Teddyboy Locsin says, 'No, we’re not cutting.' Ako naman I’m seriously considering it. He’s the spokesman but the Office of the President is the sole entity that includes the Foreign Affairs kasi mga cabinet members naman 'yan sila, eh,” sabi nito.

Nitong nakaraang Martes, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na “namamangha” ang Pangulo sa pagsusulong ng Iceland na magkaroon ng human rights investigation sa kasalukuyang administrasyon.

“Well according to him, he can’t even understand why Iceland is making that posturing. He has been—that Iceland has been doing that I think twice. Last year ganoon din ang posisyon niya eh and the other year. Until now, he is in wonderment why Iceland is doing that. He can only speculate… or the two of us can only speculate that maybe some activists either from this country or elsewhere are feeding Iceland with the wrong information. And Iceland naman is so naïve to accept everything that it hears or receives," ayon sa kanya.

Nauna nang inaprubahan ng UNHRC ang naturang resolusyon ng Iceland na sinuportahan naman ng 17 pang bansa.

Ipinadiinan naman ni Panelo, ang nabanggit na resolusyon ay ibinatay lamang sa pekeng impormasyon at “unverified facts and figures” at pag-atake lamang umano ito sa soberanya ng bansa.

PDU30 di haharap sa paglilitis ng sinumang puting hukom

Kaugnay nito, hindi naman haharap ang Pangulo sa imbestigasyon ng UNHRC.

Ito ang pinanindigan ng Pangulo bilang reaksyon sa pagpupumilit ng UNHRC na siyasatin ang mga umano’y insidente ng extra- judicial killings sa bansa.

Mas nanaisin pa aniya ni Duterte na humarap sa isang imbestigasyon sa Pilipinas na ang huwes ay pangangasiwaan ng isang Pinoy.

Maaari rin aniyang ipatupad ang parusang bitay laban sa kanya basta't sa sarili niyang bayan siya mamamatay.

-Argyll Cyrus Geducos at Beth Camia