ANG isang negosyante ay handang sumugal upang maibigay ang produkto o serbisyo na kailangan ng lipunan. Dahil hindi mapipigilan ang pagbabago, kailangang may matalas na pag-iisip ang isang negosyante sa kung ano ang kailangan ng lipunan at kung paano niya ito maibibigay. Maraming aklat at mga seminar ang tumatalakay kung paano maging isang matagumpay na negosyante. Narinig na natin ang ilang mga tanyag na negosyante na nagbabahagi ng kanilang mga sikreto para sa tagumpay. Mahalagang pakinggan sila at matuto sa kanilang mga karanasan. Ngunit kasing-halaga rin nito para sa isang nagsisimulang negosyante na gumawa ng kanyang sariling desisyon. Ang susi ay ang matuto sa iyong karanasan at gamitin ito para sa mga partikular pagkakataon. Hindi dahil nakatulong ito kay Warren Buffett ay nangangahulugang makatutulong din ito sa iyo.
Maraming mga seminar at mga aklat ang magsasabi sa iyo na magsaliksik at unawain ang iyong merkado bago sumabak. May katotohanan ang bagay na ito. Ngunit una rito, mahalagang kilala mo ang iyong sarili. Alam mo kung ano ang iyong gusto o passion. Ang pagtatayo ng isang negosyo ay mahirap na bagay. Mabibigo ka. Lahat ng mga negosyante ay minsang nang nabigo. Ngunit lahat ng mahuhusay na negosyante ay bumabangon mula sa mga kabiguan. Kaya naman mainam na gawin mo ang bagay na nais mong gawin dahil ang silakbo, ang diwa nito ang mag-aangat sa iyo sa panahon ng mga matitinding pagsubok.
Mahalaga ang ‘passion’ dahil ang pagtatayo ng sariling negosyo ay nangangailangan ng matinding pagsisikap. Tulad nang nabanggit ko sa unang talata ng artikulong ito, ang pagsisimula ng isang negosyo ay nangangailangan ng maraming panahon, kung hindi man lahat ng oras mo upang gawin ang lahat ng bagay.
Kung isa kang empleyado, maaaring ang tuon mo ay isang aspeto lamang ng negosyo: finance, sales, o human resources. Ngunit kung ikaw ang boss, kailangan mong maunawaan ang kabuuan ng iyong negosyo. Ang matagumpay na paglikha ng isang bagay mula sa wala ay mangangailangan ng iyong talento, kakayahan, tiyaga, at siyempre, ng dugo, pawis at luha. Kailangang malayo rin ang pagtanaw mo sa mga bagay. Nakikita ng mga negosyante ang mas malaking larawan at sumasabak sa mahabang laro. Huwag asahang babalik ang iyong puhunan nang mabilisan. Tulad ito ng kape. May instant na 3-in-1 na mabilis mong matitikman ngunit ang isang masarap na kape ay mangangailangan ng iyong paghihintay para sa mga butil upang maluto at lumabas ang lasa. At kapag natanggap mo na ang tasa ng kape. Hindi mo ito mauubos sa isang inuman. Kailangan mong maglaan ng panahon. Ang tagumpay, tulad ng magandang buhay, ay nangangailangan ng panahon.
At sa mga panahong inilaan mo bilang isang negosyante, marami kang makikilalang tao—ilan sa mga ito ang mabuti, ilan ang masama. Ang payo ko ay katulad ng mantra na aking sinusunod noong mga panahong nasa pulitika pa ako: “never burn bridges. Instead cultivate meaningful relationships.” Ang palasak na ito ay may katotohanan—maliit ang mundo para magkaroon ng kaaway. Sila man ay iyong kliyente, empleyado, kalaban, katuwang sa industriya, siguraduhing bumuo ng isang makabuluhang ugnayan. Tiyak na makatutulong sila sa paglalakbay mo sa daan tungo sa tagumpay.
Isa itong tunay na karanasan ng mga negosyanteng iyong hinahangaan. Sa palagay ko ay mahalaga na magkaroon ng kahit isang tagapayo na dumaan na sa mga pagsubok at balakid ng negosyo at buhay.
Masuwerte akong magkaroon ng maraming modelo ng tagumpay noong ako ay nag-uumpisa pa lamang. Isa sa mga ikinokonsidera kong tagapayo ay ang namayapang si Washington Sycip. Bago ako sumabak sa mundo ng pagnenegosyo, nagtrabaho ako sa prestihiyosong Sycip Gorres Velayo & Company—isang kumpanya na itinayo ni Wash mula sa wala. Kahit pa umalis na ako ng SCV, pinadadalhan niya ako ng maiikling liham na nagsasabi kung gaano niya ako hinahangaan at sinasang-ayunan sa aking mga sinabi o ginawa. Kailangan mo ng mga taong tulad nito sa iyong buhay.
Hinahangaan ko ang lahat ng matatagumpay na negosyante sa industriya ng Pilipinas. Nagsumikap sila upang marating ang tagumpay. Matagumpay sila hindi dahil sila ang pinakamayayaman na Pilipino sa listahan ng Forbes ngunit dahil may abilidad sila na maunawaan ang pangangailangan ng mga tao at may kakayahan at kagustuhan na magpatuloy at isakatuparan ang mga pangangailangang ito.
-Manny Villar