NOONG dekada 80, kapag ang mga bata na naglalaro sa lansangan ay bumuladas ng “May pulis, may pulis sa ilalim ng tulay” wala silang kamalay-malay na isang patutsada ang kanilang kinakanta sa mga pulis trapiko, na noo’y itinuturing na salot ng mga motorista na bumibiyahe sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Sa henerasyon ngayon ng mga millenials, muli kong naulinigan ang himig na ito sa isang lugar sa Parañaque City, sa ilalim ng pamosong tulay ng La Huerta sa Barangay Sto Niño, ngunit naiba na ang liriko nito at naging – “May titser, may titser sa ilalim ng tulay!”
Hindi na ito patutsada sa mga taong kurakot sa pamahalaan, bagkus isang papuri at pagtanaw ng paghanga sa mga guro, sa pangunguna ni Fe Matullano Lustanas na mas kilala sa lugar bilang si Titser Fe – na mahigit sampung taon nang walang sawa sa pagtuturo sa mga yagit na batang nakatira sa ilalim ng tulay.
Ginagawa niya ito, kasama ang ilang boluntaryo na guro at taong naniniwala sa adbokasiya na ito ni Titser Fe nang LIBRE -- walang kapalit na kahit ano, maliban na lamang sa mga tulong na magagamit ng mga estudyante sa pag-aaral.
Inumpisahan ito ni Titser Fe noong 2010 at tinawag niya ang programa na “A Journey of Hope” matapos siyang magawaran bilang isang ‘Bayaning Pilipinong Guro Awardee’ noong 2012.
Si Titser Fe, ay 26 na taon nang naglilingkod bilang public school teacher sa pook ding iyon. Hindi lingid sa kanya na maraming bata na nakatira sa gilid ng ilog at sa ilalim ng tulay na hindi nakatutuntong man lang ng paaralan dahil sa kahirapan ng buhay.
Kaya’t noong pagpasok ng taong 2010, araw ng Sabado, bigla na lamang niyang naisip na pumunta sa ilalim ng tulay ng La Huerta, inipon ang ilang batang yagit na pakalat-kalat sa tabing ilog at maburak na kalyehon, at gamit ang isang story book na may mga larawan – nag-umpisa siya sa kanyang klase sa ilalim ng tulay.
Sa pamamagitan ng ‘story telling’ ay nakita at naramdaman niyang nagustuhan ito ng mga bata, kaya’t ‘yun na ang naging umpisa ng kanyang pagiging si Titser Fe – tuwing Sabado, alas dos ng hapon, mula noon hanggang sa ngayon, ay nagtuturo siya sa mga batang yagit, kasama ang mga dumarayong “volunteer” na gustong i-share sa mga bata ang ilan nilang blessing na tinatamasa sa buhay.
Karamihan sa mga estudyante ni Titser Fe sa kanyang lingguhang programa na “Education Under the Bridge” ay mga batang mula 2 hanggang 8 taong gulang, at pangunahin sa kanyang itinuturo ay ang tila nawawalang Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa mga kabataan ngayon.
Ang mga batang yagit–mula 30 hanggang 40 kada klase –ay natututong makisalamuha ng tama sa ibang mga bata, gumalang sa mga nakatatanda, nagkakaroon ng tiwala sa sarili, at kung paano makibaka sa buhay sa legal na pamamaraan.
Oh ano, gusto ba ninyong mag-volunteer?
Madali lang – mula Edsa, sumakay ng bus papuntang MIA road. Bumaba sa stoplight sa kanto ng Tambo at sumakay ng dyip na biyaheng Zapote - Alabang via Quirino Ave. at dadaan ng Don Galo. Bumaba sa St. Andrew Cathedral, katabi lang ng La Huerta public market. Sa tabi nito ang 7-11 sa may P. Dandan Street. Lakarin ito papalabas sa Coastal road hanggang sa Bulungan Area (bilihan ng isda) na nasa ilalim ng tulay. Tuwing Sabado ito alas dos ng hapon.
Kung may sarili kang sasakyan – eh ‘di patulong ka kay Waze!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.