Nagdaos na muli ng misa sa Jolo Cathedral sa Sulu nitong Martes, anim na buwan matapos ang kambal na pambobomba sa loob at labas ng simbahan, na pumatay sa mahigit 20 katao.

CATHEDRAL

Si Archbishop Gabrielle Caccia, Papal Nuncio to the Philippines, ang nanguna sa misa, kasama sina retired Cardinal Orlando Quevedo at ilang obispo at pari.

Ayon sa isang post ng CBCP News, daang katao ang dumalo sa muling pagmimisa sa Cathedral of Our Lady of Mt. Carmel.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dumalo rin sa pagdiriwang sina Archbishops Romulo Valles, ng Davao; Angelito Lampon, ng Cotabato; at Romulo Dela Cruz, ng Zamboanga, maging si Marawi Bishop Edwin Dela Peña.

Batay sa ulat ng mga awtoridad, 15 sibilyan at limang sundalo ang nagbuwis ng buhay sa pagsabog sa katimugang isla ng Pilipinas, na isang balwarte ng mga militanteng Muslim.

Ang unang pagsabog ay nangyari sa loob ng simbahan, sa kasagsagan ng misa, na sinundan ng isa pang pagsabog sa labas ng compound.

Gamit ang kanilang Amaq propaganda website, inako ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) ang responsibilidad sa nasabing pagsabog noong Enero 27, 2019.

Lubhang napinsala ang cathedral sa nangyaring pagsabog.

Pinondohan ng Aid to the Church in Need, isang foundation na kinikilala ng Vatican, at ng iba pang foundation, ang magastos na rehabilitasyon ng simbahan.

Ang pagsabog sa Jolo ang isa sa may pinakamaraming nasawi sa Mindanao sa nakalipas na mga taon, sa kabila ng ilang hakbanging ipinupursige upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.

-Leslie Ann G. Aquino