Binawian ng buhay ang isang internet installer habang sugatan ang anim nitong kasamahan nang mawalan ng kontrol ang isang dump truck at araruhin ang mga biktima habang nagkakabit ng kable ng internet sa gitna ng kalsada sa Barangay Wack-wack, Mandaluyong City, nabatid kahapon.
Naisugod pa sa The Medical City sa Pasig si Jayzel Arada, 28, empleyado ng isang telecommunication company, ngunit binawian rin ng buhay dahil sa matinding pinsala na tinamo sa ulo at katawan.
Sugatan naman at nilapatan na ng lunas sa pagamutan ang anim pa niyang kasamahan na nakilalang sina Joseph Broñola, 27, na nagtamo ng bone collar fracture; Julius Miranda, 30, na nagka-fracture sa sakong; Jonard Broñola, 24, na nagkaroon ng skin and tissue laceration; at sina Rolly Balberan, 27; Rene Deus Reyes, 26; at Leo Amora, 51, na pawang nagtamo ng sugat sa kanilang ulo.
Samantala, nakatakas naman ang driver ng dump truck na nakilalang si Raul Petervo matapos ang insidente.
Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong alas-dos ng madaling araw nitong Martes nang maganap ang insidente sa eastbound ng Ortigas Avenue, malapit sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA).
Sa kuha ng CCTV footage sa lugar, natukoy na nagtatrabaho at nagkakabit ng fiber optic cable ang mga biktima sa gitna ng Ortigas Avenue nang bigla na lang silang araruhin ng dump truck, na minamaneho ni Petervo.
Makikita sa CCTV na binabagtas ng dump truck ang basang kalsada ng Ortigas Avenue patungong EDSA nang pagsapit sa pababang bahagi ng ay tila nawalan ng kontrol sa manibela ang driver kaya’t nagpagewang-gewang ang takbo nito hanggang sa salpukin ang mga biktima.
Patuloy na tinutugis ang suspek, na maaaring maharap sa kasong kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries.
-Mary Ann Santiago