Gusto ni Neil Arce na magsimula siya ng sarili niyang negosyo.
“Mas gusto ko ng sarili kong negosyo para iba. Saka bago pa lang ako ipanganak, mayroon na ‘yun (Arce Dairy Ice Cream), naitayo na,” sagot sa amin ng film producer nang tanungin kung totoong for sale ang warehouse ng kanilang pamilya sa Balintawak, Quezon City, dahil parang nakita namin ito sa Facebook feed namin kamakailan.
Umiling ang binata. “Hindi naman. Hindi totoo!”
Tatay ni Neil ang may-ari ngayon ng nasabing ice cream business, na itinayo ng lolo niyang si Don Ramon Arce, Sr. noong 1935. Ang planta na nasa Balintawak ay itinayo noong 1952, hanggang sa naisalin sa mga anak.
Nabanggit namin kay Neil na sumosyo na lang siya sa family business nila, dahil nga anak naman siya ng tatay niya.
Tama rin naman ang katwiran ni Neil kung bakit kailangan pa niyang sumosyo, eh, anak siya, at matagal nang kilala ang ice cream business nila.
Kilalang poker player si Neil, at ngayon ay napunta ang interes niya sa pagpo-produce ng pelikula, na noon pa niya nasimulan.
Pero hindi maingay ang pangalan ni Neil, dahil gusto niyang silent partner lang siya.
Hanggang sa itinatag ang N2 Productions. Kasama niya rito si Boy 2 Quizon (apo ni Dolphy), na kung tawagin ngayon ay “Dos”.
Ang N2 Productions ang isa sa mga producer, kasama ang Spring Films, ng I’m Ellenya L nina Iñigo Pascual at Maris Racal, na unang directorial job ni Dos kaya todo ang promo nina Neil dito.
Sa nakaraang #PPPGrandLaunch2019 ay natanong namin ang binata kung ilang pelikula pa ang naka-line up sa kanila, kasunod ng I’m Ellenya L.
“Alam mo maraming naka-line up, eh. Hindi ‘yun matutuloy kung hindi natin alam. Mahirap magbitaw kung ilang number of films kasi kahit magplano kami ng 20 films, depende pa rin ‘yan sa schedule ng artista, sa director sa ganyan, so hirap magbitaw ng numbers,” ani Neil.
“So far right now, tatlo na ang nakakasa ngayon (taon) tapos early next year two (films),” sagot ni Neil.
Kabilang ang I’m Ellenya L sa mga pelikulang mapapanood sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino sa September 13-19, sa lahat ng sinehan sa bansa.
Tinanong namin si Neil kung mahirap ba maging film producer.
“Mahirap! Nakaka-stress!” nakangiting sabi.
Hirit namin, mukha namang hindi siya stress, kasi ang fresh niya, kasi nga in-love.
Pero ‘tila nabingi siya sa huling binanggit namin.
“Huh? Isusulat mo na naman ‘yan ‘di ba?” aniya, at tumanggi na siyang sagutin ang iba pang tanong namin.
Ayaw na niyang magbigay pa ng karagdagang detalye tungkol sa kanila ng fiancé niyang si Angel Locsin, bukod sa mga nasulat na namin dito sa BALITA.
Ang ganda ng tandem nina Neil at Angel, isang kilalang producer at isang sikat na aktres.
-Reggee Bonoan