May mga problemang napakalaki, na hindi agarang masolusyunan ng isang planong aksiyon. Halimbawa nito ang problema sa basura at polusyon bilang kaugnay ng hakbang upang malinis ang Manila Bay at may higit pang kaugnayan sa pandaigdigang problema ng plastic na umaapaw na sa mga landfills at ngayo’y natatambak sa mga karagatan ng mundo.
Dapat nating tanggapin ang bawat hakbang na nagbibigay ng solusyon kahit pa sa maliit na bahagi ng problema, sa pag-asang magbibigay ito ng inspirasyon sa iba upang gumawa ng kanilang sariling kontribusyon.
Sinimulan na ni bagong Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang paglilinis ng Maynila na isang pangunahing bahagi ng kanyang programa para sa lungsod, dahil na rin, aniya, na dati siyang nagtrabaho bilang kolektor ng basura, kaya’t may malalim siyang pag-unawa sa problema.
Nitong nakaraang, linggo sinimulan niya ang paglilinis sa lugar na kalapit lamang ng Manila City Hall—ang Andres Bonifacio Shrine, na monumento ng pambansang bayani, na may nakataas na bolo bilang tanda ng rebolusyon, na matatanaw sa maraming pangunahing lansangan na magtatagpo sa lugar mula sa hilaga at timog ng lungsod.
Muntikan pang makaapak ng dumi ng tao ang alkalde nang magtungo ito sa lugar upang mag-inspeksyon, na puno ng mga iskwater at mga nagtitinda na nagtayo ng halos daan-daang tindahan. Ipinag-utos na niya ang paglilinis sa lugar. Ininspeksyon din ng mayor at ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang Estero de San Antonio Abad sa Malate, na ngayon ay wala ng mga iskwater na pamilya na ililipat sa mga pabahay na ipagkakaloob ng DENR kasama ang tulong pinansiyal upang makapagsimula ng maliit na kabuhayan.
Mayroong daan-daang ilog at mga estero na nagtatapon ng dumi sa Manila Bay. Mula nang simulan ng DENR ang hakbang upang linisin ang look, ipinag-utos na sa mga bayan at lungsod sa paligid nito ang paghinto ng polusyon mula sa kanilang mga lugar. Sa Maynila, nagkabit na ang Manila Zoo ng sarili nitong septic treatment plant (STP), na wala dati. Magkakaroon na rin ang Ospital ng Maynila ng sariling STP.
Ang plastic ay iba pang anggulo ng problema, kung saan ang Pilipinas ang itinuturong isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng mga basurang plastic sa mundo ngayon. Sa isang pag-aaral ng Global Alliance of Incinerator Alternatives, natuklasan na gumagamit ang mga Pilipino ng 48 milyong shopping bag kada araw, dagdag pa ang 17 bilyong iba’t ibang produktong plastic.
Naghain na si Senador Francis Pangilinan ng Senate Bill 40, ang “Single-Use Plastics Regulation and Management Act of 2029,” na layong ipagbawal ang importasyon, pagmamanupaktura, at paggamit ng mga single-use plastics, tulad ng mga stirrer at straw ng mga soft drinks na kalimitang ginagamit sa mga kainan, at ang mga pakete para sa mga pills at iba pang uri ng gamot.
Tinatanggap natin ang lahat ng mga pagbabagong ito at umaasa tayo na magbibigay inspirasyon ito sa iba—mga establisyamento, pampublikong institusyon, mga opisyal ng pamahalaan, at mga ordinaryong indibiduwal—upang gawin ang kanilang magagawa hinggil sa problema sa basura at polusyon na lumaki na sa matinding proporsyon na ngayon ay nagbibigay panganib sa lahat ng buhay sa mundo, kabilang ang sa atin.