Limang Grade 9 students ang sugatan matapos manghabol ng saksak ang isang 15-anyos na estudyante sa loob ng isang paaralan sa Quezon City, nitong Martes ng hapon.
Ayon kay Lt. Col. Joel Villanueva, hepe ng Quezon City Police Station 6, nasa kustodiya na ng reformation center ng lungsod ang suspek na Grade 9 student din sa nasabing campus.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na isa sa mga biktima ang lumapit umano sa suspek bandang 4:30 ng hapon upang mag-aya ng rematch sa larong basketball kung saan natalo umano ang suspek.
Nainis umano ang suspek at paulit-ulit na sinuntok ang biktima sa mukha. Hindi pa nakuntente, bumunot umano ito ng kitchen knife at sinaksak ang biktima na tumakbo sa pasilyo ng paaralan kung saan sinaksak din ng suspek ang ilang estudyante.
Agad na isinugod ang mga biktima at suspek sa ospital.
Bigo naman ang pulisya na marekober ang kutsilyo na ginamit ng biktima. Habang pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung may pananagutan ang paaralan at ang security guard dahil nakapagpasok ang estudyante ng armas sa loob ng paaralan.
-Alexandria San Juan