INIULAT ng mga mamamahayag nitong nakaraang linggo ang resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na kabuuang 93 porsiyento ng 1,200 respondents sa isang pambansang survey ang nagsabi na “very important” at “somewhat important” na “the control of the islands that China currently occupies in the (South China Sea) be given back to the Philippines.”
Kasalukuyang nasa sentro ngayon ng sigalot ang South China Sea (SCS) hinggil sa pag-aangkin ng ilang mga bansa. Marami ring hindi pagkakaunawaan sa mga terminong tulad ng South China Sea at West Philippine Sea, sovereignty at sovereign rights, territorial waters at exclusive economic zone.
Ang SCS ay ang dagat na nasa pagitan ng China sa hilaga, Vietnam sa kanluran, Malaysia at Brunei sa timog at Pilipinas sa silangan. Inaangkin ng China ang halos 80 porsiyento ng SCS bilang sarili nitong teritoryo na may sovereign rights sa ilalim ng isang 1947 “nine-dash line” na mapa. Tinutulan ng Pilipinas ang pag-aangkin na ito sa pamamagitan ng isang kasong inihain sa United Nations Arbitral Court sa The Hague noong 2013 at sa desisyon ng korte noong 2016, sinasabing walang legal na basehan ang China sa pag-aangkin nito.
Sa ilalim ng 1982 UN Convention on the Law of the Sea, ang mga bansang may baybayin ay may teritoryong katubigan na umaabot ng 12 milya mula sa baybayin at Exclusive Economic Zone na umaabot ng 200 milya. May karapatan ang isang bansa sa territorial sea nito, ngunit may sovereign rights lamang upang paunlarin ang mga yaman na matatagpuan sa loob ng EEZ.
Noong 2012, naglabas si dating Pangulong Benigno S. Aquino III ng Administrative Order 29 na nagbibigay ng pangalan sa ating EEZ, bilang West Philippine Sea. Hindi ito tulad ang SCS, sa pagkakaunawa ng ilan, na higit na malaki at sumasakop sa baybayin ng China, Vietnam, at iba pang mga bansa.
Hindi kinikilala ng China ang desisyon ng UN Arbitral Court at patuloy na iginigiit ang karapatan nito sa ilalim ng nine-dash line. Ang linyang ito ay pumapalibot sa SCS at kabilang ang ilang bahagi ng EEZ ng Pilipinas, kasama ang Panatag o Scarborough Shoal – na dahilan nang naging komprontasyon noong 2016 ng mga barko ng China at Pilipinas sa Panatag, ngunit kalaunan ay umatras ang barko ng Pilipinas sa lugar.
Sa panibagong sigalot hinggil sa pagbunggo sa isang bangkang pangisda ng Pilipinas sa Recto Bank o Reed Bank, 85 milya kanluran ng Palawan; malinaw na pasok ito sa ating EEZ ngunit hindi teritoryo ng Pilipinas, mas malayo sa kanluran ng Recto Bank ang mga isla ng Spratlys. Sa hilaga may 660 milya mula Zambales ang Paracels, na ang mga isla ay inaangkin ng China at Vietnam.
Sa survey ng SWS, tinanong ang mga respondents kung ikinokonsidera nilang mahalaga na ang mga islang inangkin ng China “be given back to the Philippines.” Natural lamang na nais ng mga respondents na maibalik ang anumang isla na inangkin ng isa pang bansa. Ngunit hindi malinaw kung alin sa mga islang ito ang dati nating pag-aari at inagaw lamang mula sa atin.
Bilang tugon sa survey, nanawagan si Sen. Richard Gordon na pag-aralan ito ng National Security Council, at sinabing, “we must be prepared for whatever happens there.” Tunay namang kailangang maging handa ngunit una rito, kailangang linawin ang lahat ng pag-aangkin at kanilang mga basehan sa international law, upang masiguro na ang ating laban ay titindig laban sa iba pang pag-aangkin.