“NARARAPAT ang matapang na pahayag na ang values at political agenda ng mga ibang bansa, karamihan sa mga ito ay mauunlad tulad ng Iceland, ay hindi pwedeng ipataw sa malayang bansa tulad ng Pilipinas,” wika ng bagong halal na senadora, Imee Marcos.
Iminumungkahi niya kay Pangulong Duterte na putulin na ang ugnayang diplomatiko ng bansa sa Iceland. Ang Iceland kasi ang nagtaguyod ng resolusyon sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) upang maglunsad ito ng komprehensibong pag-aaral hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas, partikular ang mga pagpatay sa pagpapatupad ng war on drugs nito. Sa botong 18-14, na 15 ang hindi lumahok, ipinasa ng UNHRC ang resolusyon. Ito ang tinututulan ni Sen. Marcos na pairalin sa Pilipinas, kaya, bilang ganti sa Iceland, nais niyang putulin ni Pangulong Duterte ang diplomatic ties ng bansa sa Iceland. Pero, ikinalugod ng European Union ang pagpasa ng resolusyon at pinuri nito ang Iceland. Aniya, ikinatuwa nito ang pagtugon sa problemang inihain ng UN High Commissioner for Human Rightsat Special Procedures of the Council. Ayon naman kay Sen. Richard Gordon, karapatan ng gobyerno na pigilin pumasok sa bansa ang mga mag-iimbestiga.
Hindi mo maiaalis kay Sen. Marcos na salungatin ang ginawa ng Iceland at panigan ang mariing pagtanggi ni Pangulong Duterte sa resolusyong itinaguyod nito at ipinasa ng UNHRCR. Hindi lang dahil kaalyado niya ang Pangulo. Higit sa lahat, ayaw niyang maipatupad ang layunin ng resolusyon, na siyang makatwirang epekto ng kanyang pagtutol. Ayaw niyang mabusisi ng international at independent body ang naging bunga ng pagpapairal ng war on drugs at epekto nito sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino na kanyang kinampanya at pinangakuang paglilingkuran. Balik siya sa dating gawi. Ang nangyari ngayon sa bayan na nais alamin ng UNHCR ay naganap din kasi sa panahong ang Pangulo ay ang kanyang ama na si Ferdiand Marcos, Sr.
Bagamat sinasabi ng Philippine National Police na 6,600 lamang ang napatay sa kanilang kampanya laban sa droga, 27,000 naman ang naidokumento ng mga grupo ng human rights. Kaya, nga inaakusahan nila ang administrasyong Duterte ng crime against humanity. Sa panahong pinamahalaan ng puwersa at pananakot ang bansa ng ama ng Senadora, kahit doblehin mo pa ang 27,000 na umano ay napatay sa administrasyong Duterte ay baka kulangin pa ang iyong kuwenta. Nakakatatlong taon pa lang ng kanyang termino si Pangulong Digong, samantalang 14 na taong mahigpit na kinapitan ng ama ng Senadora ang posisyon. Sa 14 na taong ito, pangkaraniwan na ang pagpatay na lalong umigting nang matapang nang nagrereklamo ang sambayanan dahil sa kagutuman at kahirapan. Nanahimik na lang sana ang Senadora hinggil sa isyung ito, dahil hindi siya patatahimikin at ang kanyang pamilya ng katarungan, kahit sino pa man sila ngayon.
-Ric Valmonte