May kabuuang 89 na katao ang nasawi dahil sa dengue sa Western Visayas region, habang 15,803 ang dinapuan ng sakit sa Eastern Visayas ngayong taon, makaraang ideklara ang National Dengue Alert sa bansa nitong Lunes.

PAGALING KA, HA? Binisita nitong Lunes ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga pasyente sa dengue ward ng San Lazaro Hospital sa Maynila. (JANSEN ROMERO)

PAGALING KA, HA? Binisita nitong Lunes ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga pasyente sa dengue ward ng San Lazaro Hospital sa Maynila. (JANSEN ROMERO)

Ito ang kinumpirma ngayong Martes ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, batay sa situation report na tumukoy sa Negros Occidental bilang may pinakamaraming bilang ng nasawi, na umabot sa 23; kasunod ng Iloilo, na may 20 pagkamatay.

Mayroon namang tig-15 nasawi sa Capiz at Aklan, habang ang iba pang pagkamatay ay naitala sa Iloilo City (5), Antique (5), Bacolod City (4), at Guimaras (2).

Internasyonal

For the first time! Disyerto sa Saudi Arabia, nakaranas daw ng snow?

Pinakamaraming na-dengue sa Iloilo (5,327), kasunod ang Negros Occidental (3,266), Capiz (2,590), at Aklan (2,095).

May mga naitala ring pagkakasakit sa Iloilo City (718), Antique (670), Bacolod City (572), at Guimaras (486).

May 22 na-dengue sa iba pang lugar sa Region 6, habang tanging ang bayan ng Santa Fe lang sa Leyte ang may kaso ng dengue sa Region 8, na nakapagtala ng 57 kaso, bagamat walang pagkamatay.

Kinumpirma ni Jalad na una nang nagdeklara ng dengue outbreak sa Capiz, Guimaras, at Iloilo, habang nagdeklara naman ng state of calamity dahil sa naturang sakit ang mga pamahalaang bayan ng Maasin sa Iloilo, at Pontevedra at President Roxas sa Capiz.

HANGGANG 4,320% PAGTAAS SA SIBUGAY

Ngayong Martes ay isinailalim na rin sa state of calamity dahil sa dengue outbreak ang buong Zamboanga Sibugay.

Una nang nagdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng Buug at Diplahan sa lalawigan.

Batay sa records ng Office of the Provincial Health Officer (OPHO), nakapagtala ng 236 na kaso ng dengue sa Buug simula Enero 1 hanggang Hunyo 29, 2019, tumaas ng 742% mula sa 28 naitala noong 2018.

Mayroon namang 221 na-dengue sa Diplahan, tumaas ng 4,320% sa lima lang na naitala sa lugar, sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa kabuuang datos, ayon sa OPHO, mayroong 2,588 kaso ng dengue sa probinsiya, na may 10 pagkamatay simula Enero 1 hanggang Hunyo 29, 2019, o kay 1,625% pagtaas sa kaso, kumpara sa 150 naitala sa kaparehong panahon noong 2018.

Nagdeklara na nitong Lunes ng National Dengue Alert sa bansa si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa mabilis na pagdami ng mga kaso ng dengue sa iba’t ibang panig ng bansa.

-Martin A. Sadongdong, Fer Taboy, at Antonio Manaytay