Asahan na ang mas madalas na pag-uulan sa Luzon, at maging sa Visayas, sa susunod na tatlong araw, makaraang paigtingin ng bagyong ‘Falcon’ ang habagat.
Ayon kay Benison Estareja, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang magla-landfall ang Falcon sa Batanes at Babuyan Islands bukas ng tanghali o gabi.
Ngayong Martes pa lang ay itinaas na ng PAGASA ang tropical cyclone warning Signal No. 1 sa hilagang parte ng Isabela, Cagayan, Babuyan Islands at Batanes.
Pinapaalalahanan ang mga residente sa nabanggit na mga lugar na mayroon na lang silang 36 na oras bago manalasa sa kanilang lugar ang bagyo.
Kaugnay nito, sinuspinde ngayong Martes ang klase sa lahat ng antas sa mga bayan ng Valladolid, Pontevedra, Cauayan, Candoni, Hinigaran, Isabela, San Enrique, Binalbagan, La Castellana, Himamaylan City, at Kabankalan City sa Negros Occidental dahil sa pag-uulang dulot ng Falcon.
Nagsuspinde rin ng klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan ng Albay, dahil din sa bagyo.
Sinabi naman ni Estareja ngayong Martes ng tanghali na namataan ang bagyo sa 510 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan, na nagbago na naman ng direksiyon at bumilis sa 30 kilometers per hour (kph) mula sa 25 kph.
Hindi naman nagbago ang lakas ng hangin ng Falcon na nasa 55 kph, at may bugsong 70 kph.
Maaaring lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo sa Huwebes o Biyernes, ayon kay Estareja.
-Ellalyn De Vera-Ruiz, Glazyl Masculino, at Niño Luces