ANG populasyon pala ng mundo ngayon ay 7.6 bilyon na. Sa bilang na ito, may 1.3 bilyong tao ang umano’y mahihirap o “multidimensionally poor”. Batay sa report ng 2019 global Multinational Poverty Index (MPI) mula sa UN Development Program, lumilitaw na sa 101 bansa— 31 ang low income, 68 ang middle income, dalawa ang high income—1.3 bilyon ang “multidimensionally poor”.
Ayon sa report, nangangahulugan na ang kahirapan ay hindi lang dahil sa kita o income ang pinagbabasehan kundi sa iba pang indicator, gaya ng mahinang kalusugan, mahinang kalidad ng trabaho, at banta ng karahasan. Sinasabing umiiral ang malaking guwang o pagkakaiba sa mga bansa sa mundo, lalo na sa mahihirap na sektor ng lipunan.
Binabanggit sa report na ang kahirapan ay laganap sa sub-Saharan Africa at sa South Asia na may 84.5 porsiyento. Mahigit sa kalahati ng 1.3 bilyong tao na tinukoy bilang mahihirap, may 663 milyon ang mga bata na nasa edad 18 pababa, at may 428 milyon naman ang nasa edad 10 pababa.
oOo
Gusto ng waiter mula sa Albay, na umano’y sinapak ni Ang Probinsiyano Partylist Rep. Alfred delos Santos, na sabihin nito ang buong katotohanan sa “sapakan blues” at humingi siya ng sinserong paumanhin o apology sa publiko.
Ayon kay Christian Clint Alejo, waiter sa isang restaurant sa Legazpi City, dapat linawin ni Delos Santos ang mga akusasyon niya sa waiter matapos siyang suntukin noong nakaraang linggo. Badya ni Alejo: “Pumunta po siya dito sa bahay, humihingi po ng dispensa. Lilinawin ko po na yung una niyang statement na may binubulong ako, ang sama ko daw po makatingin, mali po yung sinabi niya sa una”.
Ang pananapak o pagsuntok sa waiter ay nangyari sa Biggs Diner sa Old Albay District. Kasama ng kongresista ang tatlo niyang kaibigan. Humingi na siya ng patawad kay Alejo dahil sa kanyang ginawa at nilinaw na hindi siya “bully” o kaya’y basagulero o “troublemaker”.
oOo
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring bumagsak sa pinakamababang antas o lebel ang tubig sa Angat Dam kapag hindi pa umulan ngayong Hulyo. Lalo pang bumaba ang antas ng tubig sa Angat nitong Biyernes sa 159.69, pagbagsak ng 0.24 metro mula sa nakaraang araw bunsod ng “monsoon break.”
Pahayag ni PAGASA hydrologist Adelaida Duran: “Starting ng July 6, hindi na tayo nagkaroon ng pag-ulan doon sa area kaya po yung dam natin ay bumaba. Ngayon, yung forecast statement po for the next few weeks ay hindi masyadong maulan kaya yung trend talaga ay pababa.”
Sa ganitong sitwasyon, muli nating sambitin ang Oratio Imperata ng mga obispo para maawa ang langit at bigyan tayo ng ulan. Samantala, magtipid tayo sa paggamit ng tubig at huwag sayangin ito sa walang kapararakang bagay.
-Bert de Guzman