MAY kasabihang “Kung ano ang puno, siya ring bunga.” Parang nagkakatotoo ito sa mag-amang Duterte— kina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Davao City First District Rep. Paolo “Pulong” Duterte. Hindi kumporme si Pulong at kapatid na si Mayor Sara Duterte sa term-sharing scheme sa Speakership na ipinasiya ng kanilang ama para kina Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep.Lord Allan Velasco.
Hindi rin pabor ang magkapatid na Duterte sa pag-endorse ni Mano Digong kay Cayetano bilang Speaker sapagkat ang gusto nilang maging lider ng HOR o Kamara ay si Davao City Third District Rep. Isidro Ungan. Nagbanta si Rep. Pulong na hindi pa tiyak na si Cayetano ang magiging Speaker bago magbukas ng sesyon ang 18th Congress sa Hulyo 22. Tinabla naman ni PRRD si Paolo at sinabing isang “wishful thinking” ang bantang kudeta sa “bata” niyang si Alan Peter.
Duterte versus Duterte. Parehong matigas ang ulo o “stubborn” sina PDu30 at Rep. Pulong. Dapat masunod ang kani-kanilang kagustuhan. Hindi ba noong 17th Congress, napatalsik si Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez bilang Speaker sa udyok ni Mayor Sara. Tumalsik si Bebot nang hindi alam ng Pangulo at nainstala si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong Speaker.
Baka ganito rin ang mangyari sa 18th Congress dahil kasama ni Pulong ang kapatid na si Sara na iba ang gustong maging Speaker. Maimpluwensiya si Sara sa mga kongresista, matigas din ang kanyang ulo tulad nina Pulong at PRRD. Di ba sabi ng Pangulo hindi siya makikialam sa pagpili ng Speaker sa Kamara? Eh bakit inendorso niya sina Alan Peter at Lord Allan?
Habang sinusulat ko ito, matatag si Pulong sa pagsasabing ang “Speaker fight is not yet over.” Sa kabila ng pakikialam ng Pangulo sa Speakership, sinabi ni Congressman Duterte na hindi pa tapos ang labanan sa puwesto sapagkat isang kandidato sa pagka-Speaker ang maaaring maglunsad ng “coup” sa pagbubukas ng Kongreso. Siya kaya ay si Leyte Rep. Martin Romualdez na “bata” ni GMA o si Ungab.
Nagtataka si Pulong kung bakit daw nag-uusap na ang mga inendorsong Speaker ng kanyang ama hinggil sa committee chairmanships gayong hindi pa naman tiyak kung sila nga ang magiging Speaker. Ang pinatutungkulan niya ay si Cayetano na napaulat na pinulong ang mga kongresista upang ayusin kung sinu-sino ang magiging chairman sa mga komite.
oOo
Lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na 93 porsiyento ng mga Pinoy o 9 sa bawat 10 Pilipino, ang nagsabing mahalaga sa Pilipinas na muling makuha ang kontrol sa Chinese-occupied islands sa West Philippine Sea. Ang SWS survey ay ginawa noong Hunyo 22-26 sa 1,200 adult respondents, na nanindigang dapat makuhang muli ng Pilipinas ang inookupahang mga reef, shoal at isle ng China.
Gayunman, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na kinikilala ng Malacañang ang kagustuhan ng mga mamamayan, subalit hindi madaling gawin ang muling pagkontrol sa mga isla. E, papaano Spox Panelo ang gusto mo, gayahin ang sinabi ng isang PH ambassador noon tungkol sa pag-rape sa isang Pinay sa Middle East na dahil wala naman siyang magagawa, mabuti pang tumihaya na lang siya at “enjoy it.” Kawawang Pilipinas na may mga lider na pusong-mamon, malamya at takot!
-Bert de Guzman