Sa kauna-unahang pagkakataon, nagdeklara kanina ng National Dengue Alert" ang Department of Health (DOH) kasunod na rin nang mabilis na pagdami ng naitatala nilang dengue cases sa ilang rehiyon sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DoH Secretary Francisco Duque III na mula Enero hanggang Hunyo 29 lamang ng taong ito ay aabot na sa 106,630 kaso ng dengue ang kanilang naitala sa buong bansa.
Ito’y mas mataas aniya ng 85 porsiyento kumpara sa naitala nilang kaso nito sa kaparehong panahon noong taong 2018.
Sa nasabing bilang, 450 pasyente na aniya ang nasawi.
Aniya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdeklara sila ng national dengue alert upang mabalaan ang publiko laban sa naturang karamdaman na maaaring makamatay.
“This is the first time that we’re declaring a national alert. Because the objective is very clear. We want to raise awareness among the public and more importantly, in communities where signs of early dengue increases are evident,” paliwanag ng kalihim.
Mabilis namang nilinaw ni Duque a wala namang national epidemic ng sakit, kundi localized epidemic lamang.
Pinakamarami aniyangh naitalang dengue cases sa Western Visayas na umabot ng 13,164 kaso, sumunod ang CALABARZON (11,474 cases), Central Visayas (9,199 cases), SOCCSKARGEN (9,107 cases), at Northern Mindanao (8,739 cases), na lumampas na sa epidemic threshold.
Mahigpit anila ang kanilang monitoring sa sitwasyon sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, CALABARZON, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at Cordillera Administrative Region, na lumampas naman sa alert threshold.
“We don’t have a national epidemic. It’s localized. As I have mentioned, the top among the regions would be Western Visayas, followed by Calabarzon, Central Visayas, Soccsksargen and Northern Mindanao. There is no national epidemic but there is certainly regional,” aniya pa.
Matatandaang una nang sinabi ni Duque na inaasahan nilang tataas ang dengue cases ngayong taong ito matapos na maobserbahang nagkakaroon ng pagdami ng mga kaso ng sakit, tuwing ikatlo o ikaapat na taon.
Huli aniyang nagkaroon ng pagdami ng mga kaso ng sakit noong 2016 kaya’t inaasahan na nilang ngayong 2019 ay muli na namang darami ang mabibiktima ng dengue.
Sinabi ng kalihim na ito’y isang phenomenon, na hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya.
Ayon naman kay World Health Organization (WHO) Country Representative Dr. Gundo Weiler, hindi lamang sa Pilipinas nagkakaroon ng pagdami ng dengue cases, kundi maging sa buong mundo.
Dahil dito, mahigpit ang paalala niya sa publiko na maging maingat upang hindi dapuan ng naturang karamdaman, na nakukuha sa kagat ng lamok.
Muli rin namang nagpaalala ang DOH sa publiko hinggil sa kahalagahan ng ipinatutupad nilang ‘4S’ Strategy laban sa dengue, kabilang dito ang ‘Search and destroy mosquito breeding places,’ ‘secure self-protection,’ ‘seek early consultation’ at ‘support fogging/ spraying only in hotspot areas.’
Payo pa ng DOH, sakaling dapuan ng ilang araw na lagnat ang pasyente at makitaan ng mga sintomas ng sakit ay kaagad nang kumonsulta sa doktor upang maagapan ito.
Ilan sa mga sintomas ng sakit ay ilang araw na mataas na lagnat; pananakit ng ulo, likod ng mata, mga kasu-kasuan at kalamnan; labis na pagkapagod, pagsusuka, pagkahilo, at pagkakaroon ng pantal.
Nagdeklara naman ng dengue outbreak ang pamahalaang panlalawiganng Capiz matapos tumaas ang bilang ng tinamaan ng nasabing sakit na kinasawi na ng 14 pasyente sa Western Visayas region sa unang anim na buwan ng taon.
Ito ay nang ilabas ni Capiz Governor Esteban Evan Contreras ang Executive Order No. 2019-001 na nagsasabing lumagpas na sa five-year epidemic threshold ang naitalang bilang ng nasabing sakit.
Sa rekord ng pamahalaan, ang Capiz ay ikatlong lalawigan sa rehiyon na nagkaroon ng dengue outbreak.
Sa rekord ng Capiz Epidemiological Surveillance and Response Unit (CESRU) ng Provincial Health Office, natuklasan na tumaas ng 771 porsiyento ang naitalang kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Hunyo 29 ng taon.
Ayon sa CESRU, nasa 2, 177 ang na-dengue sa lalawigan, kabilang na ang nasawing 14 na pasyente na mas mataas kumpara sa 250 dangue cases na naitala sa kaparehong petsa ng nakalipas na taon.
Ang Roxas City na kapitolyo ng lalawigan ay nagdeklara na ng outbreak nito habang ang mga bayan ng Pontevedra at President Roxas ay isinailalim naman sa state of calamity bunsod na ng naturang sakit.
Iniutos na rin ni Contreras ang pagbuo ng task force upang mapaigting ang anti-dengue campaign sa lugar.
Kaugnay nito, iminungkahi naman kahapon ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na obligahin ang mga pampublikong paaralan na magkabit ng screen sa mga pintuan at bintana upang maiwasang ma-dengue ang mga estudyante.
Ito ay tugon ng senador bunsod ng paglaganap ng naturang sakit sa bansa kung saan karamihan sa apektado ay mga batang mag-aaral.
Upang mabigyan aniya ito ng solusyon ay dapat na maisama sa
specifications ng mga itatayong public classroom ng Department of Educaton (DepEd) ang kanyang panukala.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang isang konsehal sa Quezon City sa health department nito na magsagawa muli ng malawakang information drive sa 142 barangay nito upang hindi lumaganap ang sakit sa lungsod.
Ito ang reaksyon ni 1st District Councilor Victor Ferrer, Jr. nang ideklara kahapon ng Department of Health (DOH) ang "National Dengue Alert" dahil sa paglalala ng tinatamaan ng sakit sa bansa.
-Mary Ann Santiago, Tara Yap, Vanne Elaine P. Terrazola, Chito A. Chavez, at Analou De Vera